PGMA's New Year's Message for 2003


Mga mahal kong kababayan. Binabati ko kayo ng Manigong Bagong taon. Nawa’y pagpalain tayong lahat ng Poong Maykapal sa taong 2003.

There is a feeling of too much negativism in our society, and yet as Maria Ressa of CNN says, from the point of view of the world outside, the Philippines is doing much better than many other countries during these difficult times for the entire world.

Maraming bumabatikos ngunit kung ihahambing natin ang ating pagkaraos sa krisis ng mundo itong taong patapos, marami tayong dapat ipagpasalamat.

Patuloy na lumago ang ating ekonomiya kahit paano, habang ang ibang bansa ng mundo ay humina. Pawang ang nakatalo sa atin sa pagsulong ay Tsina at Vietnam.

Halos wala na tayong naririnig na kidnapping at sa Metro Manila, nabawasan na muli ang mga pulis na nangongotong. Ang Abu Sayyaf ay nagtatago na o kaya tumatakas pa patungong ibang bansa. Noong unang ako’y umupo bilang Pangulo, mahigit apat na milyon ay walang trabaho.

Ngayon ang bilang nito ay bumaba sa higit tatlong milyon, bagamat para sa akin napakarami pa rin iyon. Ang presyo ng bigas at isda at gulay para sa mahihirap ay nananatiling mababa.

Limandaang libong maralitang taga-lunsod ay nagkaroon ng oportunidad na magmay-ari ng lupa, pinakamalaking bilang sa buong kasaysayan natin. Milyun-milyun ay mayroon nang health insurance na nakakamura sa pagpapagamot.

Nananalangin naman tayo para sa kapayapaan at pagkakaisa ng buong bansa. Sa katiwasayan ng mga mahal nating kababayan sa ibayong dagat, at sa higit pang pagmamalasakit at pagtulong natin sa isat-isa, lalo na sa nangangailangan.

Sa harap ng mga hamon ng taong darating, gunitain natin ang ilang taludtod ng awiting "Ang Pasko ay Sumapit":

Bagong taon ay magbagong-buhay

Nang lumigaya ang ating bayan

Tayo’y magsikap upang makamtan natin ang kasaganaan.

Sa taong 2003, nananawagan ako na tayong lahat, lalo na ang mga may- kaya at may kapangyarihan, na mag-ibayong-loob at asal.

Isa-isip natin ang kapakanan ng bayan at kapwa, lalo na ang mahihirap. Sa mga nasa negosyo, magsikap sanang magbigay ng trabaho at magbayad ng nakatakdang buwis.

At sa mga kumakalaban sa pamahalaan, ihinto ang dahas at paninira nang maka-angat naman ang ating bansa.

Siyempre, kailangan ang pagsisikap lalo na ngayon, hindi lamang para sa kasaganaan, kundi para sa mapayapa, makatarungan at matatag ng Republika—naglilingkod sa lahat, lalo na sa maliliit, at maaasahan sa serbisyong-bayan.

Dapat handa rin tayong magtiis at magpakasakit kung kailangan, lalo na kung babagal ang ekonomiya ng daigdig oras na magkagiyera.

Higit sa lahat, dapat sama-sama ang mamamayan at ang mga nasa katungkulan sa pagpupunyagi para sa Republika. Sa gayon, magtatagumpay ang magaganda nating proyekto at programa sa mga buwang darating, upang dumami ang trabaho, umangat ang kita ng mga magsasaka, bigyan ng tirahan ang maralita, pasiglahin ang turismo at negosyong pang-masa, at labanan ang karahasan at katiwalian.

Ito ang hamon sa atin ng kasaysayan ngayong taong 2003. Magkaisa tayo at magsikap tungo sa pag-angat ng lahat at kasihan nawa tayo ng Diyos.

[HOME]