| PGMA's Speech during the Awarding Ceremonies in Celebration of the Far Eastern University (FEU) Centennial Anniversary |
Auditorium, Far Eastern University Morayta St., Manila (08 August 2003) |
| Maraming salamat. Maraming salamat, Secretary Lina sa iyong pagpakilala. Gusto ko ring batiin ang iba't-ibang mga importanteng panauhin maging na rin 'yung mga taga-FEU itong araw na ito. Una sa lahat, si Chairperson Montinola at lahat ng opisyal, guro, estudyante, empleyado ng Far Eastern University. Palagay ko patuloy pa rin ang inyong pagdiriwang ng isang siglo ng unibersidad. At ako'y nasisiyahan na kasama ninyo ako noong araw na 'yon mismo. Gusto ko ring batiin ang punong lungsod ng Maynila at lahat ng mga opisyal ng Maynila, si Mayor Lito Atienza. Kasama naman ni Secretary Lina dito ang iba't-ibang mga kasapi ng Dangerous Drugs Board, kasama na 'yung nakaupo dito sa kanan, 'yung Executive Director ng Dangerous Drugs Board na si Undersecretary Efren Fernandez at saka isang kasapi rin ng Dangerous Drugs Board bilang pangulo ng National Youth Commission, si Bambam Aquino. Itong araw na ito ay importante para sa ating laban kontra sa droga, dahil itong araw na ito ang unang anibersaryo ng Dangerous Drugs Board at saka 'yung Philippine Drug Enforcement Agency. Sinabi ko, ipagdiriwang natin ang unang anibersaryo, hindi sa opisina ng Dangerous Drugs Board o ng Drug Enforcement Agency, gawin natin 'yung pagdiriwang sa University Belt. Kaya narito kami ngayon. Dahil gusto kong bigyang diin na isa sa mga importanteng detalyeng utos na binigay ko sa Dangerous Drugs Board at saka sa Drug Enforcement Agency ay kailangan nilang gawing Drug-Free ang University Belt. Kasama ito sa tinatawag kong aking apat na pangunahing layunin dito sa ating laban kontro sa droga. Una, gusto natin na maputol ang supply ng droga. Kaya tuloy-tuloy ang raid maging sa mga laboratoryo, maging sa kalsada at inutos ko na na linggo-linggo dapat ginagawa ang pagsunog ng kinumpiskang droga pagkatapos bigyan ng permiso ng hukuman. Kaya para sa kaalaman ninyo at kung may mga NGO na gustong manood tuwing martes ang araw ng pagsusunog ng kumpiskadong droga. Ang unang martes at ang pangatlong martes ng buwan ay ginaganap dito sa Metro Manila at saka sa Region IV. Sa pangalawang martes at pang-apat na Martes ng isang buwan ay ginaganap naman 'yung pagsusunog sa mga malalayong rehiyon. Noong nakaraang Martes, nagkaroon ng sunugan dito sa Metro Manila. Kaya ang susunod na pagsusunog dito sa malapit ay gaganapin sa a-disenuebe ng Agosto. Kaya 'yung mga ngo dito, maging mga student organization, kung gusto n'yong subaybayan ang ating laban kontra sa droga imbitado kayo roon. Para sigurado na shabu ang sinusunog at hindi tawas. Pangalawang prayoridad, sinabi ko na dapat tukuyin natin 'yung mga lugar kung saan malakas ang bentahan ng droga. At kasama na nga sa mga lugar kung saan malakas ang bentahan ng droga ay 'yung mga kapaligiran ng mga eskuwelahan. Kaya, 'yon nga ang isang sinabi kong layunin natin. Gawin nating drug-free ang University Belt. Tulungan n'yo kami, mga estudyante at guro ng Far Eastern University. Pangatlo, sabi ko, tukuyin natin ang malalaking isda, malalaking hari, panginoon ng droga. At siguro nababasa naman ninyo sa nakaraang mga anim na Linggo napakarami ng mga malalaking panginoon ng droga ang nahuli, napakarami ng mga laboratoryo ng droga ay nabuwag. Magkano na ba? Six billion pesos na ba, Efren? Six billion pesos worth sa nakaraan na linggo. Maging ang Kongreso mismo, masaya sila dito sa trabaho noog nakaraang anim na Linggo. Kaya pinanood ko sa telebisyon, sabi nila, handa na silang magbigay ng one billion a year sa drug enforcement dahil nakikita nila may resulta. Kasi nga kung ako ay naglaan ng one billion itong taong ito mula sa Lotto earnings ng PCSO, sulit na sulit na 'yon. Sa one billion hindi pa nga ginagastos, mga one hundred million pa lang ang ginagastos, 'di ba Joey? Sa one hundred million na ginagastos ng one billion allotment, six billion na ang nakumpiska pati 'yung kanilang mga panginoon kaya sulit na sulit 'yung binibigay nating pondo. At ito ay hindi lumalampas sa paningin ng kahit ng mga mahilig magbatikos na mga Congressmen at Senador. At pang-apat, bago pa man gumamit ng droga ang kabataan, iwasan na natin. Bigyan na natin ng babala para umiwas na nga sila na magsimula ng kustumbre ng droga. Kaya napaka-importante ang papel ng kabataan. Napaka-importante ang papel ng ating mga estudyante. Kaya itong ating gustong gawin at gaya ng sabi ko dito sa ating pagdiriwang ng unang anibersaryo ng Dangerous Drugs Board at Drug Enforcement Agency, ako ay narito sa puso ng University Belt, sa aking suking pamantasan, ang Far Eastern University. Siguro alam naman ninyo mayroon akong minamahal sa buhay na nag-aaral dito sa law school, ano? Hindi nila alam, ang aking anak na si Dato. Kaya ako ay narito -- uy, hindi lang dahil doon -- ngunit para sa ganun nga ay magkakaroon tayo ng command conference kaya maikli lang ang ating palatuntunan kung saan ako nakikibahagi dahil lilipat kami ngayon sa isang silid kung saan magkakaroon ng command conference kasama ang mga kinatawan ng pamantasan para sa ganun sama-sama tayong magpaplano kung papano natin gagawin drug-free ang university belt. Happy Anniversary DDB. Happy Anniversary PDEA. At Happy Centennial uli sa Far Eastern University. Thank you. |