PGMA's Speech during the Launching Ceremony of PAGCOR's "Batang Iwas Droga" (BIDA) Program

Quirino Grandstand, Luneta, City of Manila (21 June 2003)


Maraming salamat, mga kabataan.

Maraming salamat sa mga sponsor ng ating bagong organisasyon: si Efraim, si Regie, at saka si Winston. Maraming salamat kay Senator Robert Barbers dahil si Senator Barbers ang nag-author ng batas para palakasin ang laban kontra droga. At siya ay magbibigay ng detalyadong gabay kung papaano natin ipapatupad itong kanyang batas.

Salamat kay DILG Secretary Joey Lina dahil siya ang nangangalaga ng pulis maging ng Drug Enforcement Agency sa ngalan ng ating ehekutibo; salamat kay General Anselmo Avenido dahil siya ang ating drug enforcer; salamat sa ating mga local government units ng Metro Manila; salamat sa ating host, si Mayor Lito Atienza. Binabati rin natin siya dahil sa Martes ay Araw ng Maynila. At itong ating rally ngayon ay naging bahagi tuloy ng pagdiriwang ng Manila week at mamaya, sabi ni Lito, pagkatapos ng aking diskursoay magkakaroon tayo ng fireworks display para sa aliw ng ating kabataan.

Binabati ko 'yung ibang mga officials ng Metro Manila na narito: nandiyan ang Mayor ng Pateros, si Rosendo Capco. Na noong ako ay Vice president pa, siya ang aking abogadong tumutulong sa pagtanggol ng karapatan ng mga kabataan; narito ang mayor ng bayan ni Efraim Genuino, ang mayor ng Navotas, si Mayor Toby Tiangco. Narito ang kanyang Vice Mayor, si Vice Mayor Gardy Cruz; narito rin ang iba pang Vice Mmayor: Vice Mayor ng Mandaluyong, si Vice Mayor Jessie Cruz; narito rin ang Vice Mayor ng Pasay City, si Vice Mayor Calixto.

Salamat sa mga nag-aalaga ng ating mga kaluluwa: si Bishop Yñiguez, obispo ng simbahang Katoliko; si Dato Ansari Alonto, kinatawan ng ating mga Muslim; at si Bishop Cesar Punzalan mula sa ating mga Kristiyano. Salamat sa kanilang dasal, at hindi lamang 'yon. Noong isang araw, kasama ko sila doon sa National Ecumenical Consultative Commission at sila nga, nagkataon, pinagkataon ng Panginoon ay hindi ko pa man ikinukuwento ito sa kanila, ay sila ay nag-alok na gustong tumulong ng simbahan sa ating laban kontra sa droga.

Salamat din kay NAIA General Manager Edgardo Manda. Siya ay tutulong para sa ganoon, ang BIDA ay maipalalawak natin at dadalhin niya ang 'BIDA' sabi ko sa lalawigan ng Rizal; hindi niya alam ito ngunit babatiin ko siya. Si Undersecretary ng Malacañang, si Nena Valdez dahil inatasan ko siya na dalhin ang 'BIDA' sa lalawigan ng Laguna, dahil Rizal at Laguna ay pawang Metro Manila. Kung ano ang problema ng Metro Manila, 'yon din ang problema ng Rizal at Laguna na karatig lalawigan; nagpapasalamat ako sa mga boluntaryo ng bawas iwas droga at ang kanilang mga pamilya; salamat sa iba't-ibang mga panauhin at mga kaibigan, lahat tumutulong dito sa ating laban kontra sa droga; mga bata ng metro manila; mga batang iwas droga; mga 'bida,' binabati ko kayong lahat lalo na.

Kapag kaharap ko ang mga batang tulad ninyo, naalala ko ang aking apo, si Mikaela, na mahal na mahal ko at nagbibigay sa akin ng inspirasyon para gawin ang lahat para mabigyan ng magandang kinabukasan ang ating mga bata ng kasalukuyang henerasyon.

Tiyak ko na kung gaano ko kamahal ang aking apo, ganoon din kayo kamahal ng inyong mga magulang kaya nagkasunduan ang inyong mga magulang, kami, na magtulong-tulong para matapos na itong problema ng bawal na gamot na marami na ang sinira at sumisira pa sa mga kabataan.

Noong Edsa 1 at Edsa 2, lalo na sa Edsa 2, napakaraming kabataan at estudyante ang lumahok at nakatulong para magtagumpay ang mga pagkilos na 'yon. Ngayon, mag-people power muli tayo. Mag-people power tayo kontra sa bawal na gamot.

Personal kong sinusubaybayan ang kampanya laban sa droga. Gusto kong makita ang resultang pangmatagalan hindi lamang resultang pansamantala. Gusto kong makitang mapigil ang mga pangunahing sindikato. Gusto ko makitang mahuli ang kanilang mga pinuno. Gusto kong makita ang mabisang kampanya kontra sa mga tumutulak ng droga at kontra sa mga nagbibigay ng proteksyon mula sa gobyerno lalung-lalo na sa mga naka-uniporme. Kaya binabati ko si General Edgardo "Ed" Aglipay na siya ang namumuno sa mga pulis na tumulong sa laban kontra sa droga. Gusto kong makita tumigil ang parating ng droga mula sa ibang bansa. At hinihingi ko sa lahat itong gusto kong mangyari, hinihingi ko ang buong kooperasyon ng publiko. Hinihingi ko ang kooperasyon ng mga bata ng ating bansang pilipinas kasi kayong mga bata ang kinabukasan ng ating bansa. At ang kinabukasan ng ating bansa, ang kinabukasan ninyo ang nakataya sa kampanyang ito laban sa bawal na gamot.

Hinihingi ko sa mga bata na tumulong sa kampanya laban sa droga. Idagdag ninyo ang inyong munti ngunit maraming boses kontra sa drug abuse at kontra sa mga drug pushers. Ang buong mga bata ay dapat kumilos kontra sa banta ng droga. Ang lahat ng bata ay dapat manawagan para sa drug free communities, para sa pagbulgar ng mga sindikato at mga pushers, at para sa rehabilitasyon ng mga addict. Ang ating kampanya kontra sa pagbenta ng iligal na gamot ay dapat may saligang puwersa sa likod niya at ang puwersang ito ay ang determinasyon, kooperasyon at kilos ng taumbayan. Gamitin natin ang puwersa ng taumbayan, gamitin natin ang puwersa ng mga bata ng pilipinas para sugpuin itong kalabang mas marami pang pinapatay kaysa sa terorismo o sa SARS.

Sa ating programang laban sa droga, tutukuyin natin ang ilang batayang prayoridad:

Una, pahihirapan nating makakuha ng iligal na droga ang mga addict. Kapag mahirap na makakuha ng droga, magiging mahal. Kaya mababawasan ang mga bumibili;

Pangalawa, tutukuyin natin ang mga lugar na pinakagrabeng pagbenta ng droga -- ito ay para pahihirapin ang mga puntong pinakamalaki ang kita. Halimbawa, tinanong ko kay Senator Bobby barbers kung tama ba 'yung aking iniisip, gawin nating drug-pusher free ang University Belt ng Maynila. Sabi nga ni Bobby, kung gusto nating drug pusher- free 'yung mga lugar na 'yon, dapat police visibility hindi lamang mga plain clothes agents kung hindi pulis na naka-uniporme para matakot 'yung mga pusher. At nagkataon kahapon, noong nandoon ako sa Batasan Hills National High School, 'yung pangulo ng kanilang Student Council ay humingi rin ng police visibility sa ganun ay matatakot magbenta sa mga estudyante ng Batasan Hills National High School ang mga drug pushers. Kaya 'yon ang isa sa mga pangunahing gagawin ni General Aglipay bilang pinuno ng task force laban sa droga ng ating pulis; pangatlo, kailangan tukuyin ng Drug Enforcement Agency ang mga lider sa pinakamataas na posibleng antas - mga protektor sa pulis at mga protektor sa gobyerno ay gagawing prayoridad;

Pang-apat, pigilin natin ang paggamit ng bawal na gamot bago pa man magsimula ang paggamit nito. Dito natin lubos na kailangan ang tulong at suporta ng mga tahanan, pamayanan, paaralan, at organisadong mga bata kagaya ng 'bida' -- batang iwas droga.

Ngunit, ang pagtalsik sa bawal na gamot ay hindi nakakamit lamang sa pagkukumpul-kumpol natin dito sa luneta o kahit na ba sa edsa. Ito ay magagawa natin sa ating tahanan, komunidad, eskwela at iba pang lugar na pwedeng pamugaran ng masamang bisyong ito.

Hikayatin ninyo ang inyong mga magulang, kapatid, tiyuhin, tiyahin, guro, ka-eskwela, kaibigan, ka-barangay at iba pang pwedeng makatulong sa atin.

Maganda ang pagsali ninyo dito sa 'Bida,' sa batang iwas droga ng matatag na republika. Tulad ng ginawa sa Edsa, pagsama-sama, mas malakas, mas mabilis at mas epektibo ang resulta.

Bilang inyong mga magulang, ang inyong kapakanan at kinabukasan ang aming pinagsisikapan. Kaya gusto namin na lagi kayong mag-iingat, lalo na sa mga nagkakalat nitong droga. Kayo mismo ay makakatulong para masugpo ito.

Huwag kayong tumanggap ng kahit na ano -- kendi, pagkain, pera -- sa mga taong hindi ninyo kilala. Pag namilit, isumbong ninyo kaagad.

Umiwas kayo sa mga taong bastos at sobrang agresibo, at hindi halos mag-ayos ng sarili. Maaring gumagamit ito ng bawal na gamot. Kung napapansin ninyo ito sa inyong mga eskwela o kaibigan, o sa mga taong nakapaligid sa inyo, ipaalam kaagad sa inyong guro at magulang.

Ang mga gumagamit din ng droga ay tumatamad, walang tiwala sa sarili, mainipin, walang interes sa pag-aaral at trabaho, mahilig manisi, at namimili ng grupo.

Kung ang inyong kaklase o kaibigan at maging kapatid ay parang sumasama ang ugali, kung nagnanakaw o nangungupit, palaging namumungay ang mata, hindi nag-aayos, nagsisinungaling, parang nanghihina, at sumasama sa mga kaduda-dudang mga tao, ipagbigay-alam kaagad sa inyong guro, magulang, at kung maaari sa mga awtoridad.

Ito ang ilang paraan kung paano makatulong kayo sa ating laban kontra sa bawal na gamot. Bilang miyembro ng batang iwas droga o 'BIDA,' isa ito sa inyong dapat gawin.

Ang 'BIDA' ang programang tutulong sa pagbibigay ng lakas sa ating mga bata laban sa droga.

Hindi na pwede ang paudlot-udlot na atensyon na binibigay sa problemang ito, kaya tatapusin natin ito sa lalong madaling panahon. Mga kabataan at magulang, magsama-sama tayo at tapusin na natin itong problemang ito.

Ito ay laban ng taumbayang pilipino. Ito ay laban ng batang pilipino. At sa nakita ko ngayong gabi, meron tayong determinasyon, meron tayong bilang para ipaluhod ang lagim ng droga. Bilib ako sa pinoy. Bilib ako sa mga bata.

Mabuhay ang batang iwas droga!

Goodluck! Sa ating lahat and may the Lord bless our endeavor.

Maraming salamat sa inyong lahat.

[HOME]