| PGMA's Speech during the 40th Anniversary of the National Irrigation Administration (NIA) |
NIA Compound, EDSA cor. NIA Road Diliman, Quezon City (21 June 2003) |
| Maraming salamat, Secretary
Obet Pagdanganan. Dating gobernador ng Bulacan at kinilala noon bilang isang kampeon ng
kooperatiba at ngayon naman kampeon ng reporma sa lupa. Binabati ko 'yung kapampangang tisoy na taga-Mindanao, si Jess Paras. Noong ako'y nag-oopisina sa D.A., eh inaapura ko si Jess sa mga irigasyon kaya't tinatawag ko sa kanya, harassed Paras. Pero ang dami niyang nakamit naman; binabati ko 'yung kanyang Deputy, si Mar Tugawen; at 'yung mga napakagaling na kinatawan ni Cito Lorenzo -- na nandoon ngayon sa washington kaya wala siya rito -- pero nandiyan si Edmund Sana, 'yung aking prinomote na Usec. At malaki ang tulong ni Undersecretary sana doon sa "Mindanao Natin"; si Babes Drilon, 'yung ating Senior Undersecretary; si Jocjoc Bolante na iniwan ang kanyang napakataas na suweldo bilang CEO ng isang importanteng pre-need at insurance para magtrabaho kasama ng mga magsasaka; gusto kong batiin 'yung mga alaga ng DSWD nakatanggap kanina noong sertipikado at ng kanyang kinatawan ay 'yung aking dating Usec. At nandoon pa rin siya sa DSWD, si Lulu Pablo; at nandito si Obet, nandito rin 'yung isang aking Secretary of the Press, si Secretary Milt Alingod; meron tayong dalawang Congressmen dito, Congressman mula sa Nueva Ecija, si Raul Villareal at cCongressman mula sa magsasaka, ang butil, si Ben Cruz; at meron tayong dating pangulo ng NIA, ngayon pangulo ng mga irrigators, si Orly Soriano; mga empleyado ng NIA, mga magsasaka, mga kababayan, magandang umaga at napakalaking karangalan at kagalakan para sa akin na nandito tayo sa pagdiriwang ng ruby anniversary. Ito kaya naka-ruby ako eh. Kasi ruby anniversary eh. Kasi importanteng-importante itong okasyong ito kasi gaya ng sinabi ni Jess Paras, ang nagtayo ng NIA ay 'yung aking mahal na ama, ang Pangulong Diosdado Macapagal. Kaya kung si Diosdado Macapagal ay ama ng NIA, eh aking ama rin siya, magkapatid tayo, kapatid ako ng NIA. Kaya naman sabi ni Jess Paras, ngayon pa lang nagkaroon ng pagkakataon na siyam na bilyon ang pumunta sa irigasyon sa isang administrasyon. Binasa ko 'yung libro ng aking tatay, 'yung kasaysayan sa pagtayo ng NIA. Ang sanhi ng NIA ay 'yung problema ng ating batayang pagkain -- ang bigas. Mula noong panahon pa ni Pangulong Quezon, gobyerno pagkatapos ng gobyerno, sinisikap ang kasarinlan sa bigas. Sinisikap ang pag-angat ng produksyon sa bigas. Ang inabot na sitwasyon ng tatay ko nang siya ay naging presidente ay 27 cavans bawat ektarya ang produktibidad ng bigas, isa sa pinakamababa sa buong mundo. At noong panahong iyon, mga lugar kagaya ng Taiwan at Hapon ay nakakakamit na at that time ng isandaang cavan bawat hektarya. Kaya one-fourth lang tayo ng mga pinaka productive na mga ekonomiya. 'Yung tatay ko ay isang anak nanggaling sa hanay ng mga tenant farmers. Kaya buong paniniwala niya na isa sa mga sagabal sa pag-angat sa produktibidad ng bigas at pagkamit ng kasarinlan ay 'yung feudalismo sa mga probinsiyang bigasan, kaya noong siya ay naging pangulo, linunsad niya ang reporma sa lupa. At ako ay nasisiyahan din na sa August 8, magiging 40 years na rin, ruby anniversary na rin ang land reform ng ating bansa. Sinikap ng tatay kong umangat ang ating produksiyon at makamit ang kasarinlan sa bigas. Panahon rin niya nang tinayo ang Land Bank of the Philippines. Katabi ngayon, kakambal 'yon ng reporma sa lupa. Noong siya ay naging pangulo, sa isang kumbensiyon ng mga magsasaka ng bigas, ng palay, millers at nangangalakal, pinahayag niya ang komprehensibong programa upang makamit ang kasarinlan sa bigas: Una, ang paggamit ng binhing mataas ang ani; Pangalawa, dagdag na irigasyon; Pangatlo, malawak na paggamit ng pataba at pampatay ng peste; Pang-apat, pag-ibayo sa mga paraang pagsasaka, teknolohiya, methods; Lima, maluwang na pautang sa mga nararapat na magsasaka; Anim, mas mabisang sistema ng pagbenta; Pito, garantisadong presyo ng palay na binibili sa magsasaka; Walo, matinding research. 'Yung mga programang 'yon, 'yon pa rin ang mga susi ng ating pagpalawak ng ani sa mga panahong ito. Noong panahon din ng tatay ko naitayo ang International Rice Research Institute. Ito ay tinayo sa los baņos sa panahon ng kaniyang administrasyon. Ang layunin nito ay lumikha ng mga uri ng palay na nagbibigay ng mataas na ani. Ito ay tinayo noong 1962. Kaya noong isang taon, ako rin ay nakapagdiriwang ng 40th anniversary din ng IRRI sa ating bansa. Sa pagbukas ng IRRI, sinabi ng aking tatay: may tatlong konektadong solusyon sa problema ng bigas na bumubuo sa programang bigasan ng administrasyon: Ang una ay 'yung -- sa ngayon, 'yung current -- short tester measure. Ang pinaka-importante ay pangmadaliang hakbang na iwasan ang pagtaas ng presyo ng bigas sa mamimili; Ang pangalawa ay ang pangmatagalang solusyon na binubuo ng programang paramihin ang produksyon at maglayon na maging sapat ang supply para makasagot ang kailangan ng populasyon, at sa mga kinabukasan, baka marapatin makapagbenta pa sa ibang bansa; Ang pangatlong hakbang ng kaniyang administrasyon ay ang paggamit ng research na gagawing buo at kumprehensibo ang solusyon sa problema ng bigas. Itong bahagi ng programa ay naglalayong magpa-iral ng mga uring mataas ang ani at matatag sa sakit, at pandagdag, mapag-iral ang mga uring naibayong katangian sa pagluto at sa pagkain. Ngayon nga maraming-maraming beses na naghahanap tayo ng uring tumataas ang ani. Pero ang dami, hindi masarap, hindi makain ng tao kaya hindi binibili. Lugi tuloy ang magsasaka. Nasisiyahan ako na sa ating bagong hybrid rice na ating pinapalawak ngayon, ito ay kinakain ng taong bayan. Kayong mga magsasaka na nagtanim na ng hybrid rice, dumoble ang kanilang kita dahil dumoble ang kanilang ani. Pero ito ay nalalagay lamang sa mga lugar na may irigasyon. Kaya talagang batayan ang irigasyon sa ating magsasaka. Upang palakasin ang programang pang-kasarinlan ng aking tatay, tinayo rin niya ang rice and corn authority na ngayon ay naging NFA. Noong panahon niya, ang namuno nito, ang unang namuno ay si Secretary Sixto Roxas na siya naman ngayon ay tumutulong sa akin sa pag-industrialize ng ating steel industry. Ang kasapi ng board ng NFA or RCA noon ay ang Kalihim ng Agrikultura, si Benjamin Gozun at ang manager ng Rice and Corn Authority, si Jose Feliciano. Itong komite ni Roxas ay gumawa ng madaliang programang pag-angat ng produktibidad, nilagay nila sa tatlumpu at isang probinsiyang sumasakop ng noong panahong iyon, 200,000 ektarya ng lupang may irigasyon dahil ito ay sumasailalim sa patakaran ng programang kasarinlan sa bigas ng aking tatay na hihigit sa produksyon kung tutukuyin ang paggamit ng lupang may irigasyon at higit na teknolohiya kaysa sikaping dagdagan pa ang lupang sakahan. Dahil hindi naman lalawak ang lupang sakahan, eh. Dumadami ang populasyon, dumadami ang tahanan, eh di siyempre, hindi tayo makakahanap ng lupang sakahan. Kaya kaysa maghanap ng bagong lupang sakahan, dapat tindiin ang irigasyon. 'Yon ang patakaran ng aking tatay, 'yon pa rin ang aking patakaran ngayon. Bagama't 'yung mga batayang prinsiyong 'yon ay bagay pa rin hanggang ngayon, umangat ang produksyon, kaya lang noong panahong 'yon, more than three percent ang population growth. Kaya kahit na more than three percent ang pagtaas ng ani, humahabol lamang sa lumalaking pangangailangan ng lumalaking populasyon. Humahabol lamang ang dagdag ng produksyon sa dagdag ng tao. Tinanong niya nga kay Secretary Romulo noon, Foreign Affairs -- ay, hindi pala, Ambassador to Washington -- at 'yon Presidente ng U.P., " bakit ang bilis ng ating population growth sa Pilipinas?" sabi ni Romulo, "kasi mahilig tayo mag-siesta." pero hindi iyon. Talagang kailangan na tayo ay magkaroon ng family planning. At ito rin ang aking pinapairal. Thirty percent lamang ang naabutan kong gumagamit ng family planning dahil akala nila ang family planning ay one and the same as contraception. Kaya ang ginagawa ko sa aking administrasyon, 'yung 70 percent na hindi nagfa-family planning, ako ay nakikipag-usap sa kanila. At pinapaturo sa kanila na may family planning na natural, na hindi kailangang lumabag sa ating mga paniniwala sa kultura at relihiyon. Anyway, noong panahong iyon, dahil nga humahabol lamang ang pagtaas ng ani sa pagtaas ng populasyon, inisip niya na kailangan mas mabisa at mabagsik pa ang programa ng kasarinlan. Kaya nagpanukala siya sa Kongreso ng sabsidyo para sa bigas. Kasi noon may sabsidyo para sa tabako, eh mas batayan naman ang bigas, humingi siya sa Kongreso ng sabsidyo sa bigas. Ang layunin nitong sabsidyo sana sa bigas ay siguradong gumanda ang kita ng mga magsasaka ng palay. Tulungan ang magsasakang ibaba ang gastos ng produksyon, itaas ang bisa ng teknolohiya, at sa kabila, masigurado at magarantiya na one peso lamang bawat ganta ang binibili ng mga populasyon. Ang panukalang ito ay papayagang umangkat tuwing may seryosong kakulangan. Oposisyon ang Kongreso noon, kaya hindi pumasa itong panukalang ito. Hindi rin pumasa 'yung isang panukalang mas maaga pang pinasok na sinisikap ang kasarinlan ng bigas sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya. Ngunit, ang lumusot na batas ay ang pagtayo ng National Irrigation Administration. Ito na nga 'yung R.A. 3601 na pinirmahan no'ng June 22, 1963, para tumulong itaas ang produksyon ng palay sa pamamagitan ng malawak na irigasyon. Binabati ko ang mga nagawa ng NIA sa loob ng apatnapung taon. Sinabi na ni Jess Paras 'yung inyong mga accomplishments. Hindi ko na kailangan ulitin lahat sila. Maliban lamang sa aking pagbati sa inyo sa 1.4 million hectares na nalagyan na ng patubig. Biro n'yo, nagsimula ang tatay ko sa 200,000 hectares lamang ang naabutan niya. Ngayon, 1.4 million hectares. At binabati ko na noong nakaraang taon lamang, dahil nga hindi natin binababa sa six billion sa loob ng aking administrasyon. Hindi natin binababa sa six billion a year ang pumupunta sa irigasyon, nakaraang taon lamang, nag-record high kayo ng 297,800 hectares. Sa loob ng isang taon, lumampas kayo sa buong namanang irigasyon ng aking tatay mula nagsimula ang kasaysayan ng Pilipinas. At ang nakinabang naman dito ay may 210,800 na pamilya. Sa madaling salita, bawat ektaryang binibigyan ng irigasyon, nagbibigay ng biyaya sa isang dagdag na pamilya. Indeed, the NIA has gone a long way since its proud inception. Itong programa natin ay maikli dahil pagkatapos nito ay magmi-meeting kami ng mga officers ng nia kung papaano pa maibayo ang paglilingkod ng NIA sa ating magsasaka. At bababa rin ako para bumati sa ating mga awardees. In the meantime, sa inyong lahat, taga-nia, taga-Irrigators Association, keep up the good work and happy anniversary to one and all. Maraming salamat sa inyong lahat! |