| PGMA's Speech during the Signing of R.A. 9207 or the "National Government Center Housing and Land Utilization Act of 2003" and Awarding of Certificates of Lot Reservations, Medium-rise Building Units and Project Qualifications |
Commonwealth Elementary School Brgy. Holy Spirit, Quezon City (17 May 2003) |
| Maraming salamat. Maraming salamat, Secretary Mike Defensor na napaka-masipag kaya alam niya parati kung ano ang kulang parang kayo ay maging may-ari ng sariling lupa. Ang sabi niya sa akin, kulang ang batas kaya magpasalamat tayo kay Mike Defensor dahil sinusubaybayan parati ang NGC. Salamat sa ating mga Senador at Congressmen na nagbigay sa atin nitong batas na ito. Mula sa Senado siyempre, si Senate President Franklin Drilon; at ang principal sponsor sa senado, Chairman ng Committee on Natural Resources, si Bobby Jaworski; salamat kay Speaker Joe De Venecia, at maagang-maaga napasa nila ito doon sa kongreso; salamat sa iba't ibang mga Congressmen, ang Congressman ng inyong distrito, si Chuck Mathay; Congressman mula sa sorsogon pero nagmamahal sa inyo, Joey Solis; Congressman mula sa Leyte pero malaking gawa rin, tumulong dito, Congressman Ed Veloso; at Congressman ng Parañaque pero siya ang namamahala sa mga bagay ng pabahay doon sa kamara, si Congressman Ed Zialcita; at ito ay matagal nang ipinaglalaban ng dating Speaker at ngayon ay punong-lungsod ng Quezon City, ang napakagaling, number one kayo tuloy ang Quezon City sa revenue generation, Mayor Sonny Belmonte -- kamuntik ko nang sinabing Speaker, City Mayor na pala siya. Ang napakagaling din, marunong na Vice Mayor n'yo, si Bistek Bautista; nandito rin 'yung mga iba't-ibang mga pinuno ng mga ahensiya na may kinalaman sa NGC, binabati natin silang lahat; at 'yung ating host sa lugar na ito, ang Principal ng Commonwealth Elementary School, si Joseph Aceo, salamat, salamat. Salamat na parati pinapayagan n'yong gamitin namin itong lugar ninyo para sa iba't-ibang mga okasyon; at siyempre, 'yung mga nagsisikap sa paperwork, 'yung ating mga barangay chairman at barangay kagawad ng Quezon City lalo na sa Holy Cpirit, Commonwealth, Batasan, Payatas. Nandiyan si Captain Valmocina; si Captain Gabiola; si Captain Ludovica; si Captain Dadulo; at para malaman n'yo kung sino 'yung kumakayod ng paperwork mula sa national government, si Percy Chavez ng PCUP; si Kabalen kong Ed Pamintuan na dating City Mayor ng Angeles pero kayo ang inaalagaan ngayon; si kinakatawan ng NHA -- ay, hindi -- kasama ng NHA rin, ang Assistant General Manager ni Ed Pamintuan, si Joseph Peter Chavez; at ang Pangulo ng Home Guaranty, si Bong Bongolan. Sa wakas, 'di ba? Sa wakas! Natibay na ang matagal na nating hinihintay, ang tawag ng batas na ito ay "National Government Center Housing and Land Utilization Act of 2003." Ito ay isang local bill na tawag nila, ngunit bakit nandito lahat ang mga congressmen at senador, pati mga pinuno ng Senado at Kamara. Dahil bagama't ito ay local bill, ang kanyang kabuluhan ay pambansa. Kasi, naalala n'yo noong una ako'y naging pangulo pumunta ako sa NGC? Sabi ko, hindi kayo ang problema, kayo ang bahagi ng solusyon. Hanapan natin ng solusyon para mapamahagi ito sa inyo. Ngunit ang unang pinagsikap natin ay masalimuot kasi labag pala sa batas na ipamahagi sa inyo. Kaya itong batas ang nagtatanggal ng mga masalimuot sa pamamahagi ng lupa dito sa NGC. Kaya binigyan natin nang mariing pansin at sa masipag na trabaho ng mga magigiting na mambabatas na nandito sa ating entablado, 'yon nga, 'yung mga iba't-ibang congressmen at senador, maging taga-Quezon City, Sorsogon; maging taga-Parañaque; maging tiga Leyte; maging tiga-Ginebra. Si Bobby kasi ang Chairman ng Committee on Natural Resources. Bobby, 'di ba? At 'yon ang in-charge ng mga batas tungkol sa mga titulo. Kaya salamat sa kaniya, salamat sa kanilang lahat, napasa na ang batas at ito ay nagbibigay liwanag sa hangaring gaya ng sabi ni Mike Defensor -- 'yon ang problema kasi nauna siya, ginamit niya 'yung aking linya -- hindi na kayo squatter sa sariling bayan. At ito ay biyaya para sa libu-libong pamilyang matagal nang nakatira dito sa NGC. Kasi naman matagal na. Supposedly, binigyan na kayo ng kapangyarihan, hindi ba? 'Yon pala parang peke 'yung mga binigay dahil labag pala sa batas. Kaya ngayon, uulitin na naman natin lahat pero ngayonkatiyakan na na legal ang inyong kalagayan, ang inyong pagmamay-ari ng lupang napamahagi sa nakaraan. Itong batas na ito, nagbibigay nang katatagan para sa mga ginagawa rin dito sa ngc at 'yung gagawin pa dito sa NGC. Halimbawa, 'yung pagtatayo ng sonang pangkabuhayan o 'yung economic zone, at 'yung mga pabahay na itatayo. Sa ilalim nang batas na ito, bubuuin ang NGC administration committee. Siya ang mamamahala at gagawa ng pamamahagi ng lupa. Sinu-sino ang nasa komiteng ito? Ang mangunguna, si Mike Defensor, ayun! Katabi niya 'yung isang malaking trinabaho rin para itong batas ay maging totoo, si Verna Romulo Puyat; ang kasama sa komiteng ito ay si Percy, 'yung cCommission for the Urban Poor; si Sonny Belmonte, 'yung mayor ng Quezon City; si Ed Pamintuan, 'yung namumuno ng national housing authority; 'yung DENR; yung DPWH at mga kinatawan ng NGC eastside at westside, kasama kayo sa mamamahala dito. Ang NHA, si Ed, ang trustee ng programa ng pabahay. Ang Commonwealth Enterprise Zone ay nasa ilalim ng Home Guaranty Zone kaya mabuti kilala na ninyo ang pangulo, si Bong Bongolan. Itong dalawang ahensiyang ito ay kapwang nasa ilalim ng HUDCC, ang boss nila ay si Mike Defensor. Pero ang boss ni Mike Defensor ay kayo, taga-NGC. Itong batas kinukumpirma rin na walang buwis ang lupang pinagbibili at pinapamahagi. Kaya naman ni Sonny Belmonteng walang buwis eh. Kasi ang Quezon City ang number one sa tax collection sa buong Pilipinas. Kaya 'yung pagpapamahagi ng lupa at pabahay, 'yon ay tax-exempt. Alam n'yo, matagal nating hinintay itong batas, ngunit habang hinihintay natin ang batas, ginagawa na natin 'yung mga paperwork para sa pagpapatupad, para sa pagpapamahagi ng mga titulo. Kaya noon hinihintay natin 'yung batas habang dini-debate sa komite sa kamara, sa senado, tuloy-tuloy tayong nagsusuporta sa mga proyektong pabahay sa ngc westside at saka sa NGC eastside. Kasama na rito 'yung Memorandum Order no. 83 na itong proyektong ito, sinasabi, ito ay hanggang taong 2005 para maraming panahon para maisatupad 'yung mga pamamahagi. At naalala ko noon, mahirap gumawa ng titulo kasi walang survey. Kasi mahal ang survey. Mahal ang documentation. Kaya mula sa aking president's social fund ay nagbigay rin ng labindalawang milyong piso para sa dokumentasyon. Dahil kailangan 'yon para makapagtitulo sa ngc westside at eastside. Kaya dito sa NGC-westside, nakapamahagi na tayo ng tatlong libong certificate ng title reservation, at sa araw na ito, mamamahagi pa tayo ng isanlibo at isandaang certificate of lot reservation sa mga kwalipikadong benepisyaryo. Napamahagi na rin natin ang natitirang animnaraang apartment, at sa araw na ito ay mayroon pa tayong isandaang apartment na ipapabahagi doon sa medium-rise building. Nabuo rin ng aking administrasyon ang Commonwealth market para sa inyo, 'di ba? Nagbibigay ng hanapbuhay sa mga taga-rito at dahil mura ang upa, mura rin ang bilihin. Kaya kung may nagdadaing na mataas ang bilihin -- telebisyon, mga nanonood -- mamili kayo sa commonwealth market, murang-mura. Sa NGC-eastside naman, nakapamahagi tayo ng halos sa limanglibong sertipikado ng lot allocation at certificate of lot entitlement sa mga benepisyaryong may plano na kung papaano mapaunlad ang pamayanan, 'yung development plan. Pero sa mga wala pang lupa, mamamahagi naman tayo ng higit na siyamnadaang certificate of project qualification. Pero dapat gawin na 'yung development plan. Mike, sino ba ang in-charge sang development plan? Kayo? Ayun! So, may bagong gagawin si Mike Defensor. Bagama't sabihin ko nga, ang dami nang nagawa ni Mike Defensor -- sayang, lahat ito sinasabi ko, hindi naman siya tatakbong senador. Pero hindi bale, ikukwento ko na lang sa inyo. Noong ako'y unang naging pangulo -- no. Sa aking First State of the Nation Address, sabi ko, gusto tayong mamahagi ng, ano Mike? 150,000 titles bawat taon. Noong sinabi ko 'yon, tapos na si Mike sa 150,000 niya for the year, kaya sabi ko, naka-boundary na siya. Eh, ngayon sa nagawa niya rito, sobra-sobrang boundary na ito, kaya... Tapos gusto ko ring batiin siya at lahat ng mga tumutulong sa kanya -- sila Percy, na doon sa Caloocan, sa may railroad at saka doon sa Makati, sa may railroad rin ay umaalis na 'yung mga squatters sa kusa dahil nakumbinsi nitong ating team na ito. Nagpapalakpak si Joe de Venecia dahil si Joe de Venecia ang ating ama ng railroad na kailangan maklaro, malinis 'yung mga lugar na 'yon para sa ganun, meron tayong railroad, north hanggang south. Mabalik sa NGC. Dahil sa mga nagawa na nating paghahanda dito sa NGC, palagay ko ayos na ang pagpapatupad ng batas na nilagdaan ngayon at trinabaho nitong magigiting na senator at congressmen na nasa entablado ngayon. Kabilang sa magiging suporta ninyo para mabilis matupad ang bagong batas ay 'yung aking Executive Order no. 153 na lumalaban sa mga sindikato ng squatter. Sa katunayan -- in fact, Mike dapat ilabas ito sa telebisyon -- meron nang mga kasong isinampa laban sa ilang mga miyembro ng malalaking sindikato na nagsasamantala sa inyo dito sa NGC. Alam n'yo, noong hindi pa ako pangulo, sa aking paglilibot sa mga pamayanang maralitang taga-lungsod, ang naririnig kong pangunahing hangarin ninyo ay pabahay o kaya katiyakan sa lupang tinitirikan. Kaya nang ako ay naging pangulo, ginawa kong pangunahing programa para sa maralitang taga-lungsod ang palupa at pabahay. Kaya itong batas na ito, kahit na local government... Local bill ay tinulak natin dahil itong batas na ito, NGC law, ay isang malaking bahagi ng pagpapatupad ng ating pangunahing programa para sa maralitang taga lungsod. Puspusan ang ating ginagawa para malagay sa maayos ang iba't-ibang programa natin sa pabahay, sa kabila ng napakaraming problema na hinaharap ng ating bansa ngayon, tulad ng terorismo at SARS. With regard to terrorism, I'm very happy to let the Philippines know, I'm very happy to let our senators and congressmen know, na 'yung nalalabing hostage ng Jehovah's witness ay naligtas na kaninang madaling araw. May progreso ang laban sa terorismo ngunit hindi pa tapos. Let's not take anything for granted in our vigilance against terrorist reprisals. Let's watch over our communities kasama ang community ng NGC and be accountable for each other just as we have done in the case of the SARS threat. Through the close cooperation of the LGUs and the national government, through synergistic linkages among all involved government agencies, I ask our people to be calm but fully alert in your homes and in your places of work and livelihood. This is not a fight of the government alone. It is a fight of all our people and the whole world. It cannot be won overnight. It will demand the utmost sense of duty and concern for each and every Filipino. Doon naman sa SARS, lalo na't nandito si principal ay gusto kong sabihin din. The opening of classes will demand among our people another round of alertness to protect the health of our students. We've already scored big against SARS and we must follow through. Principal, gusto kong ipahayag sa inyo at lahat ng principal -- all school-related sectors must be focused on cooperation and unified action. The DOH and the DEPEd must work closely with school administrators, parents' associations and student organizations. Our information drive among students must be comprehensive and penetrating. Extraordinary precautions are needed. Naniniwala ako na dahil ang laban natin sa terorismo at SARS ay hinaharap natin nang lubusan at buong tapang, napipigilan natin ang kanilang paglalaganap at pagdulot ng malawakang pinsala. Sa aking pag alis mamayang gabi papuntang Estados Unidos kasama ni Senate President Frank Drilon at ni Speaker Joe de Venecia para sa isang state visit doon, ito ang babaunin kong alaala: na sa harap ng matitinding krisis, tayo lahat ay nagkaisa at ginawa natin ang ating makakaya para sa batas ng ngc kung kaya't tayo ay nagtagumpay at magtatagumpay pa. Sa aking pakikipag-usap sa mga matataas na opisyales ng Amerika, aking ipapaalala sa kanila na dapat bigyang-pansin ang paglaban ng kahirapan dahil dito nanggagaling ang mga bagong sumasapi sa mga grupong terorista. Kaya't kung gusto nating tuluyang sugpuin ang terorismo, hindi dapat balewalain ang pagsisikap na mai-ahon sa kahirapan ang marami nating kababayan. Kaya, hinihiling ko sa inyo, mga bagong homeowner ng NGC, samahan n'yo ako nang panalangin upang maging matagumpay ang aming paglalakbay ni Frank Drilon at ni Joe de Venecia. Ito ay bahagi ng ating pagtahak tungo sa isang magandang bukas. Patuloy tayong magkaisa at magtulungan, tulad ng ating pagkakaisa at pagtutulungan upang maging totoo ang batas ng NGC. Magkaisa tayo at magtulungan para matupad ang pangarap nating magandang pamumuhay at matatag na republika ng Pilipinas. Maraming salamat at congratulations sa inyong lahat! |