PGMA's Speech during the Launching Ceremony of the "Sagip Kabataan sa Droga" (SAKADA)

Heroes Hall, Malacanang (07 Nov 2003)


Maraming salamat, Secretary Dodi Limcaoco.

Binabati ko rin 'yung aking pinakabatang Cabinet member, si Secretary Mike Defensor. Saan na siya, umalis na? Ayun! Sumama na sa ating mga... Binabati ko rin 'yung ating kinatawan ng kabataan dito, si Mark Castrodes, National Youth Commissioner. At saka 'yung ating... 'Yung ating lumalaban hindi lamang sa droga kung hind na rin doon sa mga pirated discs para ipagtanggol ang ating mga artist ng Pilipinas, si Bong Revilla.

Nagpapasalamat ako kay Assistant Secretary Rudy Caisip sa kanyang presentation. At si Undersecretary Efren Fernandez, siya ang namamahala ng Dangerous Drugs Board at siya ang kasama natin sa iba't-ibang mga activities para labanan ang droga.

Thank you for your songs and... Well, I want to mention all of the stars who are here today pero kung magsisimula ako hindi ko matatapos. Salamat na lang kay Vic Del Rosario dahil ikaw ang nag-imbita sa kanila, sa marami sa kanila ngayon. At sa inyong lahat, ang masasabi ko na lamang -- mabuhay ang mga batang artista! Mabuhay ang mga artistang lumalaban sa droga! Salamat sa inyong lahat.

Nanggaling lamang ako ngayon sa Sangley Point kasi doon ay nagkaroon ng graduation 'yung mga nag-aral sa ilalim ng American Drug Enforcement Agency kung papano labanan ang droga sa ating mga dagat. Dahil nakita naman ninyo kay Assistant Secretary Caisip na marami dito sa ating shabu ay imported, galing sa ibang dagat, lalo na ngayon na ang dami na nating pabrika na naisara in the last three months. At noong nandoon ako ay tumawag din ako kay Efren Fernandez -- nandito siya kasama n'yo noon -- sabi ko, "Efren, umpisahan mo na 'yung Drug Enforcement Academy. Para sa ganun, magkakaroon na tayo ng mga bagong generation na rin ng mga lumalaban sa droga like the young blood of the show business industry who are here today."

Kaya ako'y nasisiyahan, labis ang aking kagalakan na nagtitipon-tipon tayo ngayon para palakasin ang ating pagkakaisa laban sa iligal na droga.

Bago ako umupo sa pagkapangulo, ang hirap ng batas sa iligal na droga. Kasi bago ka makulong, kailangan muna dalawang daang gramo ng shabu ang mahuli sa inyo. Isa doon sa nagko-complain sa akin nga 'yung tatay ni Bong, si Don Ramon Revilla. Kaya dahil doon kailangan 200 grams of shabu. Eh merong mga isang libo at limang daang nahuli na "bigtime pushers" pero dalawa lamang sa kanila ang nakulong. Kasi 'yung iba nakapagpiyansa. Kasi sino ba naman ang nagdadala ng 200 grams sa kanyang katawan. Karamihan nagdadala nang mas mababa keysa sa dalawang daang gramo.

Kaya't noong ako ay naging pangulo, naalala ko nga 'yung complaint ni Don Ramon noong kami ay magkasamang senador. Kaya noong ako ay naging pangulo, ipinababa ko ang dalawang daang gramo at ginawang sampung gramo na lamang ng shabu. Kaya ngayon sa ganung kantidad, huli ka na habangbuhay.

Itong laban sa droga ay nananatiling pangunahing prayoridad ng aking administrasyon. Kasi karamihan ng krimen ay may kinalaman ang droga. Kaya kung mapipigil mo ang droga, maraming nakawan ang mapipigil mo rin. Kung mapipigil mo ang droga, maraming rape ay mapipigil mo rin. Kung mapipigil mo ang droga ay maraming patayan ay mapipigil mo rin.

At kapag nahaharap ko ang mga bata tulad sa inyo, tulad 'yung mga batang menos ang kanilang kapalaran sa inyo ay naaalala ko tuloy 'yung aking apo na si Mikaela. Ayoko naman na pag siya ay naging teenager na ay marami pa ring droga.

At kung gaano ko kamahal ang aking apo, palagay ko ganun din kamahal ng mga magulang ang kanilang mga anak. At lahat sila ay kontra sa iligal na droga. Kaya kanina sinabi ko, mabuhay ang artistang bata, mga kabataan. Mabuhay 'yung artistang lumalaban sa droga. Dapat mabuhay din ang mga magulang dahil sila rin ay laban sa droga. At sigurado ako na 'yung mga magulang ay nakikiisa sa hangaring masugpo ang banta ng droga para maayos ang ating pamumuhay.

At ako rin ay isang ina. Isang anak ko nga ay artista rin eh. At alam ko ang pagdalamhati ng isang magulang na naliligaw ang anak. At nakikita ko yung maraming magulang, 'yung kanilang damdamin kapag nawawala ang kinabukasan ng kanilang anak.

Kaya ang ating mensahe, tayong lahat ay sana sabihin natin sa kabataan na huwag na huwag silang padadala sa tukso ng bawal na gamot. At inaasahan ko na kayong mga artista ay mahihimok n'yo 'yung mga mag-aaral, mga bata, mga movie fans na huwag padadala sa tuksong ito. At maikuwento sa kanila at magbigay ng babala na lagi silang dapat maingat, na huwag na lamang basta tatanggap ng kahit na ano, tulad ng kendi, pagkain o pera sa mga taong hindi nila kilala.

At sabihin sa mga kabataan na kung meron silang kaklase o kaibigang masama ang ugali, biglang naging masama ang ugali, o natututong magnakaw o mangupit, o hindi na nag-aayos sa sarili, o parating namumungay ang mata o parang nanghihina, o sumasama sa mga kaduda-dudang tao ay sana bigyan n'yo sila ng advice na ipagbigay-alam sa kanilang mga guro, magulang, awtoridad.

Dahil alam naman ninyo, ang mga gumagamit ng droga ay madalas tinatamad, walang tiwala sa sarili, mabilis mainip, walang interes sa pag-aral, walang interes sa trabaho, mahilig magsisi sa iba, pumipili ng grupo. Eh, itong klaseng buhay ay hindi dapat tularan. At kayo ang makakasabi sa mga kabataan.

Hangga't may droga sa ating pamayanan ay hindi pa rin ligtas ang ating mga kabataan. Hangga't may nagbebenta ng iligal na droga ay hindi pa rin ligtas ang mga pamilya.

Kaya tayo lahat may responsibilidad. Basta may impluwensya tayo, meron tayong responsibilidad. Mga artista may responsibilidad. Hindi natin dapat payagang sirain ng droga ang buhay ng ating mga kababayan, lalung-lalo na ang mga kabataan.

We're at war with illegal drugs. And in this war, we need the collective efforts of families, communities, schools and various sectors of our society, including the media and the showbiz industry. Gaya nang sabi ni kuya germs, walang iwanan dito sa laban kontra sa droga.

Napagsabihan ko na 'yung mga militar, 'yung mga pulis, 'yung mga pulitiko: walang arbor-arbor! Walang prote-proteksiyon! Walang sinumang sinasanto ng laban na ito, ang lahat nang sangkot ay mananagot!

Ngayon naman nananawagan ako at nagpapasalamat ako sa ating mga artista. Kayo ay idolo ng mga kabataan. Kayo'y role models para sa kanila. Kapag sinabi ninyo na kayo man ay umiiwas sa masamang bisyong ito, ang inyong mga tagahanga ay gagayahin din kayo.

Ganyan kalakas ang inyong impluwensiya sa kabataan. Kaya ako ay nagpapasalamat na kayo ay narito at sinabi n'yo na tutulong kayong pigilin ang mga murang isipan na matuksong gumamit ng bawal na gamot.

Our movement aims to influence the youth of the country to stay away from drugs and to help rehabilitate those who have become drug dependents.

Pagnagpupunta ako doon sa mga drug rehabilitation centers, nagkakaroon ng programa. May ilang mga talents doon ay mga showbiz personalities that are undergoing therapy. Kaya sila ang star usually ng mga show. At ako naman ay nagpapasalamat na sila naman dahil nandoon sila sa center stage ng mga programa sa mga rehab center, ipinapakita nila na hindi nakakahiyang pumasok sa rehabilitation. In fact, 'yon ang paraan kung papano muli mababawi nila 'yung nasira nilang karera.

At ito, itong ating panawagan ngayon, ang pagpapasalamat ko sa inyo ay bahagi 'yan ng ilan-ilang hakbang na ginagawa natin. Kagaya nung kanina nga, 'yung pag-aaral ng ating mga enforcers sa drug enforcement agency ng amerika o 'yung pagtatayo natin ng Drug Enforcement Academy.

Noong hunyo nandoon naman kami sa Luneta. 'Yon naman ay programang "Batang Iwas Droga" o bida. At dito naman ginagamit ang pwersa ng mga bata, hindi 'yung kabataan, 'yung mga bata. 'Yung mga masyadong bata pa para gumamit ng droga para bago pa man sila ma-attract dito ay nasugpo na ang problema sa kanilang batch.

Kanina lamang nga gaya nang sabi ko, nandoon ako sa Sangley Point, 'yung training. Fifty-two sila, iba't-ibang mga pinanggalingan, mga nagpapatupad ng batas laban sa krimen sa ating karagatan. Ang susunod naman daw dito ay training ng mga land-based law enforcers. Pero importante itong sea-based dahil nga, lalo na mula noong nasarado natin ang maraming factory, nandiyan pa rin ang droga sa kalsada. Saan kaya sila nanggagaling, eh 'di imported.

Kaya ako ay nagpapasalamat na itong araw na ito, sinabi ninyo, pinahayag ninyo sa akin ang inyong kooperasyon. At sana sa pamamagitan ninyo ay pati 'yung iba pang taga-entertainment industry ay sasama rin sa kampanyang ito. Kailangan ko ang kooperasyon ng lahat, mga kabataang artista at kabataang hindi artista, lahat ng kabataan. Dahil nakataya dito ang kinabukasan ng ating kabataan, kaya nakataya ang kinabukasan ng ating bansa. Kaya ako ay nagpapasalamat sa inyo na sinabi n'yo na hindi n'yo papayag na masira ang ating kabataan.

Salamat sa inyo, lumalakas ang aking loob at lalabanan natin ito para sa kinabukasan.

Maraming salamat.

Mabuhay muli ang artistang lumalaban sa droga!

[HOME]