PGMA's Speech during the Gawad Parangal sa mga Entrepinay (A Tribute to Women Entrepreneurs)

Bahay Pangarap, Area 3, PSG compound Malacañang, Manila (13 Nov 2003)


Maraming salamat Kalihim Bert Romulo, Executive Secretary.

Maupo na kayong lahat.

Una sa lahat, binabati ko ang aking Cabalen, ang Director General ng TLRC, si Rico Laxa. Sa katotohanan, first time ko siya narinig nagtagalog kanina. Magaling ka pala magtagalog, rico.

Alam nyo, ikukuwento ko sa inyo si Rico Laxa bago siya naging mayor noong 1998, isang napakalaking housing developer, isa sa pinakamalaki. Pero ginusto niyang pumasok sa pulitika at naging mayor ng Macabebe. Pero noong ako ay naging pangulo at dahil nga napakaganda yung kanyang successful experience bilang isang housing developer bago siya naging politician ay hiningi ko sa kanya maging secretary... Director-General ng TLRC para ganun yung kanyang entrepreneural skills ay maipaabot din sa ating mga kababayan. Kaya siya ngayon nandoon at belated happy birthday sa inyo.

Gusto kong batiin si Secretary Manolet Dayrit ng Department of Health. Siya ay narito dahil nga isa sa gusto natin na maging hanapbuhay ng mga entrepreneur ay yung botika na nagbebenta ng murang gamot at DOH ang pangunahing gumagawa ng programang yon. Narito rin ang ating bagong secretary ng Anti-Poverty, si Secretary Camilo Sabio, isa sa aking maraming Cabinet members na galing sa mindanao. At ang dahilan kung bakit nandito ang Secretary ng Anti-Poverty Commission ay dahil sila ang nag-oorganize nung programang kalahi o kabalikat laban sa kahirapan kung saan napakamasigasig ang partisipasyon ng TLRC.

Nandito yung aking estudyante, si Anthony Abad, ang pangulo ng Philippine International Trading Corporation. Siya rin ay narito dahil doon sa mga maghahanapbuhay ng pagbenta ng murang gamot. Eh para makapasok yung murang gamot sa ibang bansa at hindi kayo madadaya na peke yung gamot, ang gumagawa noon, gagawa ng pag-import para sa inyo ay yung Philippine International Trading Corporation. So, mga partner sila.

Binabati ko yung ibat-ibang punongbayan na narito. Kung meron akong hindi nakita kanina, paumanhin. Pero nandito sa ating harap ngayon ay yung mayor ng Taguig City, Mayor Freddie Tinga. Pag nakikita ko yung mga kababaihan ng Taguig, naaalala ko si Mrs. Marichu Tinga, nanay ni Freddie, dahil siya ang nag-oorganize ng mga kababaihan at ang gaganda ng mga... Kayo ba yon? Ay, naku! Kaya kayo naman pala ang Entrepinay ngayon yung... Anong tawag nung ano, Kabalikat? Balikatan ang tawag ng mga ladies ni Marichu noon. At nandito rin mula rin sa metro manila yung aking abogado noong ako ay vice president na tumutulong para magtanggol ng mga kababaihang inaapi o yung pinagsasamantala, ito ay si Mayor Rosendo Capco ng Pateros. Ayun! Mga taga-Pateros.

Ngayon ang pinagdidiriwang natin ay hindi yung pagtanggol ng karapatang pantao ng kababaihan ng Pateros kungdi yung pag-iral ng inyong karapatang pangkabuhayan sa ilalim ng liderato ni Endo Capco. yung kababayan namin ni Rico Laxa, ang aking Casiping Balen, mahirap pumunta sa bayan niya kung hindi ka muna dadaan sa bayan ko sa Lubao, ang mayor ng Sasmuan, si Mayor Catalina Bagasina. Kung tutuusin si Mayor Bagasina isa ring very successful entrepreneur. Kaya pag nagbi-birthday party siya nakikilala ko hindi lamang yung mga taga-sasmuan kungdi yung taga mga empleyado niya kasi malaki rin ang kaniyang negosyo kaya very successful din. Halos kagaya ni Rico Laxa noong hindi pa siya mayor. At mabuti nakita ko siya nung papasok ako, tignan mo ang dami palang mga awardees ang kaniyang constituents kaya tinawag ko siya dito sa harap, si Mayor Bartolome Ramos ng Santa Maria, Bulacan.

Kayong lahat binabati ko, magandang hapon, lalung-lalo na yung mga kababaihang negosyante na tinatawag nating entrepinay, magandang hapon sa inyong lahat. May mga lalaki rin tayo rito ah. Batiin ko yung mga nagmamahal sa mga entrepinay at gumagalang sa kanila.

Ako ay natutuwa na tayo ay narito kasi ang kailangan ng ating bansa ay trabaho kung gusto natin masugpo ang kahirapan, at hindi lahat ng trabaho ay mahahanap sa malalaking pabrika. Maraming trabaho sa ating bansa ay mahahanap sa mga sariling pagnenegosyo, yon na nga ang tinatawag nating entrepreneurship.

At kayo tinulungan ang marami sa inyo ng TLRC magkaroon ng kakayahang pangkabuhayan. Kaya marami sa inyo hindi na ninyo kailangan mamasukan sa mga pabrika, kayo ay mga entrepreneur na. At kayo pa nga ay kung minsan may mga entrepreneur na sariling negosyo isa... Siya lang mismo o siguro dalawa ang anak niya ang kanyang empleyado, yon ay self-employed. Meron kayong self-employed dito, ang tawag doon ay micro-enterprise. Meron din naman kayong mga maliliit na negosyo kaya nakakabigay ng trabaho sa mga sampung tao, yon naman ay small enterprise. Kaya kayo whether kayo sa sarili ninyo o ibang tao nabibigyan ninyo ng trabaho, kayo hindi na kayo kailangan mamasukan, kayo ay entrepreneur, Entrepinay, mga negosyanteng magtatagumpay.

At yon nga, yung industriya ng buong mundo ay humina noong nakaraang since 2001, nung nagkaroon nang slowdown yung U.S. economy na bumibili ng produkto sa lahat kaya nag-slowdown ang buong mundo. Before that nag-slowdown pa ang Asia dahil sa Asian financial crisis kaya maraming nawalaan ng trabaho at inuuna nga mawalan ng trabaho yung babae, di ba? Nahalata ninyo? Kaya mangyayari diyan, pag yung babae ay walang trabaho ang gagawin na lamang mag-iistambay na lamang sa neighbor, magtsi-tsismisan. Pero ngayon dahil sa pagka-entrepinay ninyo hindi na kayo kailangan mag-aksaya ng inyong panahon, magtambayan at mag-tsismis sa kapitbahay kasi meron na kayong magandang gagawin sa panahon ninyo, itong mga negosyong inaasikaso ninyo. Entrepinay na kayo, aktibong naghahanapbuhay.

Naibalita sa akin ni Director General Rico Laxa na ang TLRC ay tumutulong sa mga kababaihan ng humigit-kumulang dalawang daang lugar sa ilalim ng programa ng NAPC, yung Kalahi. At kanina narinig ko 20,000 na ang mga entrepinay na nakinabang dito sa programang ito.

Ang Entrepinay ay isa sa mga programang microfinance, 20,000 ang kontribusyon ng TLRC so far. Sa buong mga gusto nating magbenepisyo, siguro puwede nating matawag sila lahat ng Entrepinay. Dahil kahit na hindi member ng kilusan ninyo basta entrepreneur na babae, Entrepinay na nga yon.

Kaya gusto nating magkaroon ng isang milyong kababaihan na maging Entrepinay sa ating bansa. Maging ito ay dumadaan sa TLRC o yung ibang mga microfinance program kagaya ng livelihood support fund, kagaya ng mga ibat-ibang mga microfinance. And ako'y nasisiyahan na nung sinabi ko na magbibigay tayo ng hanapbuhay sa pamamagitan ng microfinance sa 300,000 women a year, lampas na lampas na tayo sa target na ito. Kasama na nga kayo, mga Entrepinay.

Binanggit ko noon na si Mayor Endo Capco ang aking kasama noong ako ay vice president para magtanggol ng karapatang pantao ng kababaihan. Talagang dalawa ang programa ng inyong lingkod sa aking administrasyon para sa kababaihan. Yung isa na nga yung pagtanggol sa karapatang pantao ng kababaihan. Halimbawa, yung mga binubugbog ng asawa, biktima ng rape, biktima ng prostitution at iba pa, at yung isa naman, yung pagsulong ng karapatang pangkabuhayan. At itong ginagawa nating ito, yung programang entrepinay, ito nga ay bahagi ng ating programang pagsulong ng karapatang pangkabuhayan ng ating kababaihan.

Nabanggit nga ni Lydia Pedernal. Ayan, Lydia matagal na rin naming kasama yan sa Pampanga dahil siya yung humahawak din ng livelihood nung Mt. Pinatubo Commission noon, di ba Lydia? Dami mong batikos sa amin noon, ano? Buti ngayon magkaibigan na tayo. Kasi pag senador ako, pag senador ka medyo meron kang hindi magandang attitude na pagbatikos nang batikos sa executive. Eh ngayon executive na ako, kasama ko na siya sa trabaho. Kaya paumanhin lydia kung ako ay nagbabatikos sa iyo noon.

Anyway, gaya nang sabi ni Lydia nadalaw ko na ang ilang Entrepinay na mga nakikinabang sa mga microfinance sa iba't-ibang bahagi ng Pilipinas. At yung outstanding na Entrepinay chapter -- o, ano ba yon, tatlo na ang awards na nakuha nila, apat -- yung barangay Holy Spirit, nabisita ko na yon. At doon sila nga ay gumagawa ng iba't-ibang mga cake, pastry, juice, siopao, puto pao. Noong nagpunta nga kami doon, kumain pa nga kami nang masarap na cupcake at puto, masarap.

Pero noong nagke-kuwentuhan kami doon, meron mga dumadaing at sa iba ring lugar, na sabi nila... Hindi ba nakita natin lahat ng pagsasanay dito? Meron mga... Suwerte yung mga direkto mayrong bibili ng produkto ninyo, pero may iba na nagsasanay doon, natututo silang gumawa, wala namang bumibili ng produkto nila sa mga lugar nila. At dahil bago pa lang sila sa skill þa yon, hindi pa export quality. So, may problema ng marketing.

Kaya doon ko sinabi sa TLRC, ang payo ko sa kanila huwag kayong magturo ng produkto hindi sigurado ang benta. At sabi ko, alam kong isang produktong talagang hinahanap lalo na nang matatanda yung mga murang gamot. Kaya pinapasulong natin ngayon yung mga botikang nagbebenta ng murang gamot. At saan manggagaling itong murang gamot? Isa na nga yung parating galing sa india sa pamamagitan ng Philippine International Trading Center. Yung iba naman ay yung herbal at saka yung generic medicine na dumadaan naman sa Department of Health. Kaya kasama sila dapat sa pag-organize nitong inyong ang mga botikang ito.

In fact, kanina nga sinabi ko kay Secretary Dayrit, dahil dinadaing din sa akin nung ibang mga nagtatayo ng botika na sabi nang BFAD, hindi sila puwede magtayo ng botika kung wala silang full-time pharmacist na nandoon, walang ginagawa buong araw... Eh, mauubos naman ang kanilang pera sa suweldo sa isang pharmacist.

Kaya sabi ko, Manolet, hindi naman kailangan yung pharmacist ay nandoon buong araw dahil very small scale lamang ito. kaya dapat may common pharmacist yung ilang mga grupo ng mga botika. Isang supervising pharmacist na lilibut-libot sa ilang botika. Kaya yan ang aking gustong ipaliwa... Yon bang ipaalala sa ating mga tatlong ahensiya na gumawa nitong Memorandum of Agreement. At ito ay makakatulong tayo dahil isang malaking programa nga natin, gusto natin ng mura ang gamot ng taong bayan, lalo na yung gamot na binibili ng mga mahihirap. At madalas binibili nila ganito ang mga sagot sa mga sakit na madalas nagkakasakit ang mga mahihirap sa mga ganun.

Malaki ang aking pag-asa na sa pamamagitan ng inyong samahan gumawa na kayo ng foundation. Magkakaroon nang dagdag na trabaho ang inyong pamayanan. Kasi nga whether you're own, kung jobless kayo noon, di may trabaho na kayo. O kung dalawang kamag-anak ninyo nabigyan ninyo ng trabaho, may dalawang nabigyan ng trabaho. O kaya kung naging small scale kayo, may mga at least sampu. Kasi nais ko na may pagkain sa bawat mesa. Papaano tayo magkakaroon ng pagkain sa bawat mesa? Kailangang magkaroon ng trabaho.

Kaya kayo na nagkaroon na nang pagsasanay, nagkaroon nang konting capital, tulungan nyo ako na magkaroon ng pagkain sa bawat mesa sa inyong mga pamayanan. Kayo ang aking pag-asa na magkaroon ng trabaho sa inyong mga pamayanan.

Kanina marami sa inyo tumanggap ng parangal. Huwag kayong titigil sa pagsisikap. Pagsikapin nyong lumaki pa ang inyong negosyo.


Kung kayo ay micro-entrepreneurs, dapat maging small scale na kayo. At kung kayo ay small scale, sana maging medium scale na kayo sa loob ng dalawang taon. Sa ganung paraan, bagamat maliliit na negosyante ang tawag sa inyo, malaki ang inyong kontribusyon sa pagkalakas ng ating republika.

Congratulations! At maraming salamat sa inyong lahat.

[HOME]