PGMA's Speech during the Farmers' Congress in Quezon |
Centro Pastoral Auditorium, Brgy. Isabang Lucena City, Quezon (27 Nov. 2003) |
| Maraming salamat Secretary
Lina, Secretary ng DILG. At 'yung mga tulay-tulay na binabanggit ninyong kailangan, sabi ko nga ay puwede n'yong i-apply sa DPWH o puwede ring i-apply sa DILG sa President's Bridge Program basta may local counterpart. Batiin ko, una sa lahat 'yung Secretary of Agrarian Reform, dahil siya ang nag-imbita sa akin dito -- ah, co-host nito -- dito sa ating Farmers' Congress, Agrarian Reform beneficiaries, kumusta kayong lahat -- si Obet Pagdanganan. Na si Obet po alam n'yo na anak ng Sariaya ang kanyang asawa. Naalala ko noong ako ay senador at iniimbita ako doon sa Tayabas Association, parating nagsasayaw ng rigodon si Obet Pagdanganan, naka-black tie, naka-tuxedo, 'di ba Obet? Guwapong-guwapo, kayang kaya ang rigodon. Binabati ko rin 'yung co-host naman dahil doble itong affair na 'to -- Farmers' Congress at saka Congress ng beneficiaries ng Urban Land Reform sa A-T-O. Salamat Mayor Mon talaga sa iyung pag-imbita sa akin dito, kaya meron tayong farmers, meron tayong urban poor, meron tayong Agrarian Land Reform, meron tayong urban land reform kasi 'yon ang dalawang programang importante ng ating pamahalaan -- land reform maging lunsod o kanayunan. Kasama ko rin ngayon ang Secretary ng Agriculture, dahil nga ang Quezon ay nakararaming bahagi pa rin ay agrikultura at pinakikinggan niya 'yung resulta ng inyong Congress para matignan niya kung saan makakatulong yung Department of Agriculture, si Secretary Lorenzo. Salamat naman sa mga officials ng Quezon na napakainit parati ang pagtatanggap parati sa inyong lingkod, nabanggit ko na nga si Mayor talaga na inimbita niya ako para ipagdiriwang natin ang 436 proclamation na aking pinirmahan nitong 2003 at para ipakita itong land development project na nandyaan sa karatula. Binabati ko rin ang congresswoman ng inyong distrito, second district, si Congresswoman Lynnette Punzalan. Dahil gaya nang sabi ni Mayor Mon talaga ang tagal, tagal na n'yong linakad itong A-T-O proclamation na ito. Panahon pa nagtulungan si Congressman Jun Punzalan at si Mayor Mon talaga, at sa wakas itong taong ito natupad na rin dahil tinutukan natin. Gusto kong batiin ang congressman ng first district -- saan ang mga magsasaka ng first district? Nandito ba? Saan? Ayun! -- at salamat sa kanyang parati nagsusuporta sa akin hindi pa man siya congressman sumusuporta na sa akin, si Congressman Raffy Nantes ng first district. At mula naman sa Bondoc peninsula, iyung mga mayors ng Bondoc peninsula at narito, nandito ba ang magsasaka ng Bondoc peninsula, wala? Anyway, gusto kong batiin ang ating congresswoman ng third district at magpasalamat sa kanyang kabiyak sa napakagandang proyektong "Kalsada Natin, Alagaan Natin" ni vice chairman ng Road Board, Danny Suarez, salamat sa pamamagitan ni Congresswoman Aleta Suarez. Binabati ko ang kinatawan ng buong probinsya, si vice governor Talabong, maraming salamat sa inyong mainit na pagtanggap. 'Yung ating nagbabantay ng ating kapayapaan, Commander ng Southern Luzon General Dagudag; Region IV director ng police, si General Caringal; nag-aalaga ng ating mga Land Reform beneficiaries, si Director Andres; 'yung ating nag-aalaga rin at pinakikinggan din n'yang mabuti kung ano ang mga kailangan ninyo doon sa mga kalsada at tulay, si Director Segit. At salamat din sa barangay captains, nandito si ABC president Aurora Garcia at ang barangay captain natin dito sa Isabang, si Barangay Captain Emerito Robles. Salamat naman po Monsignor Melecia sa inyong dasal, at binabati ko po si Bishop Marquez sa kanyang paglipat dito sa Lucena. Gusto ko ring bigyan ng pansin at magbati kay ginoong Philip Castillo, ang barangay Agrarian Reform Committee chairman ng Quezon province. At si Ginoong Gregorio Hernandez, ang Provincial Agrarian Reform Coordinating Committee chairman. Ako ay talagang nagagalak na muling makasama kayo itong araw na ito, mga taga-Lucena, mga iba pang taga-Quezon lalung-lalo na 'yung ating hindi na squatter sa sariling bayan sa A-T-O, at iyung hindi na rinalipin sa sariling sakahan dito sa buong quezon lalo na first and second district dahil kayo ay tumatanggap ng benepisiyaryo ng reporma sa lupa. Ang Quezon, gaya nang sabi ko, ay isang probinsyang malaking-malaki at maraming sakahan. Mula sa Infanta o General Nakar pa nga -- dahil ang ating report kanina ay tungkol sa General Nakar -- 'yon mula sa General Nakar at Infanta sa hilaga hanggang sa kahabaan ng Bondoc peninsula sa timog makikita natin ang malawak na bukirin, niyogan, karagatan na pinagkukuhanan nang kabuhayan ng mga dakilang taga-Quezon. At alam naman natin sa napakalaking probinsiyang Quezon, maraming lugar, henerasyon-henerasyon mahihirap ang mga mamamayan -- mga taga-General Nakar, mga taga-Bondoc, pati mga taga-Lamon bay -- ang daming mahihirap. Yan ay isang larawan ng ating buong Pilipinas sa ating buong kasaysayan. Sa ating kasaysayan, ang malaking problema ng ating bansa ay ang kahirapan. Ngunit sa aking dalawang taon at kalahating pagkapangulo, sa aking karanasan na nakita ko -- sa karanasan mismo hindi lamang sa libro o sa ideya -- na kung ang gusto natin makamit ang kaunlaran at pagwawakas sa kahirapan, kailangan, una sa lahat, magpatupad tayo nang malalim na pagbabago sa ating pulitika at ekonomiya; at pangalawa, kailangan din natin ng pagkakaisa upang sama-sama nating maisulong ang kapakanan ng ating bansa. Ano 'yung mga repormang pinag-uusapan nating batayang kailangan? Nakikita natin dito dalawang halimbawa, reporma sa lupa. Matagal nang ginawang batas ang reporma sa lupa ng aking ama, the late President Diosdado Macapagal. Ngayon ay talagang ginagawa nating masigasig ang implementasyon. At hindi lamang iyon, kasi mamahagi naman ng lupa kung wala namang kayong patubig, kung wala naman kayong pautang, kung wala naman kayong farm-to-market roads, eh 'di sisisihin pa n'yo ang gobyerno at gusto ninyong ibabalik ang inyong lupa sa hari ng lupa. Kaya kailangan modernisasyon ng agrikultura, 'yon ay bahagi ng reporma sa lupa. Doon naman sa mga lunsod, kailangan din natin ang reporma sa lupa. Napakarami tayong mga lupa kung saan squatter ang nakatira. Kaya noong ako ay naging pangulo, sinabi ko, hahanapin natin iyung mga lupang arian ng Gobyerno na hindi naman natin ginagamit. Hahanapin natin ang lupa ng airport na hindi naman nilalagyan ng airport, at 'yon ay ibenta sa mga squatter. Iyan ay saligang reporma sa lupa rin. Mabalik tayo sa agrikultura, dahil sa nakararami sa tiga Quezon ay nasa kanayunan. Ang agrikultura ay isa sa mahahalagang aspeto ng ating pambansang buhay na maapektuhan ang hangad nating pagbabago at pagkakaisa. Sinabi ko, kailangan natin reporma sa lupa, pero kailangang kasabay ang reporma sa agrikultura mismo, modernisasyon ng agrikultura. At kungnararamdaman ninyo na mas maraming farm-to-market road, irigasyon,binhi ngayon, ito ay dahil ang aking administrasyon ang tanging gumagastos ng hindi kulang sa dalawampung bilyong piso taun-taon para sa modernisasyon ng agrikultura. Ang aking administrasyon din ang gumugol nang pinakamalawak na proyekto para sa irigasyon dahil mahalaga ang patubig sa bukid. At hindi ko pinag-uusapan lamang 'yung malalaking dam. Dito sa Quezon hindi malaking dam ang ating mga proyekto. Dito sa Quezon ang ating mga proyektong irigasyon ay 'yung mga maliliit na irrigation projects sa ibat-ibang dako ng ating kapuluan para mabilis maitayo, hindi masyadong mahal agad nakapagbibigay ng tubig. At dahil dito ay lumalawak ang produksyon. Si Cito Lorenzo ang kanyang pet project na mukhang umubra ay ang pagtanim ng hybrid rice. Bagong klaseng binhi nanggaling sa China noong ako ay nag-state visit noong 2001, inadopt dito sa Pilipinas, minudmod, at ang ating produksyon ng bigas itong third quarter ay napakataas. At ito ang isang dahilan kung bakit kaninang umaga bilang chairman ng National Economic and Development Authority naanunsyo ko na ang produksyon ng ating buong bansa, buong ekonomiya nitong nakaraang tatlong buwan ay umangat ng 4.4 percent. Iyan ang tawag nilang GDP growth rate, pag-angat ng ating produksyon. Itong numerong ito ay mas mataas kaysa sa inaasahan natin at nadaig na natin ang Taiwan, Indonesia, Singapore at Korea sa pag-angat ng ekonomiya. At saan nanggaling itong pag-angat ng agrikultura itong last three months -- ng bansa pala -- galing sa agrikultura at galing sa investments, paggastos sa investments. Kaya sa inyo mga magsasaka, maraming salamat sa inyong kontribusyon sa produksyon ng ating bansa. At isa ngang pinaggalingan nito ay 'yung hybrid rice, kasi 'yung mga magsasaka na gumagamit ng hybrid rice ay nagpadoble ang ani ng ating mga magsasaka na nagtanim nito. Kaya kayo kung meron tayong mga magsasaka diyaan na meron naman kayong lugar na irrigated, kung gusto n'yong pumasok sa hybrid rice program makipag-ugnay kayo sa Department of Agriculture. Itong pagpadoble ng ani ng palay ng mga gumagamit ng hybrid rice ay tugon sa pinakamalapit sa puso kong hangarin para sa ating bansa. Hindi pa man ako pangulo sinasabi ko na ang aking ambisyon magkaroon ng pagkain sa bawat mesa. At inaasahan ko itong hybrid rice na ito -- ilang kuwan na cito? 85,000 hectares? -- 100,000 hectares na ang gumamit nitong hybrid rice na ito, 100,000 hectares na ang mga magsasaka nakadoble ng ani. Inaasahan natin ito ay isang batayang reporma sa agrikultura. Gusto ko sa loob ng dalawang taon from 100,000 hectares sana 600,000 hectares na ang matamnan ng hybrid rice at sana kasama doon 'yung mga magsasaka ng Quezon province. Kasi treinta porsiyento ng magsasaka ng Quezon 'di ba magsasaka pa rin ng palay? 'Yung 60 percent naman ay magsasaka sa niyog, mangnuniyog. Para naman sa ating mga mangnuniyog, ang ginawa nga natin, gaya nang sabi ni Obet Pagdanganan, ay 'yung coco levy funds na inaasahan. Gusto kong sabihin sa inyo na ginagamit na natin ang ilang dibidendo ng coco levy funds para sa kapakanan ng ating coconut farmers. Dahil ang pamahalaan ay patuloy naginagamit iyung pitong daang milyong pisong dibidendo ng coco levy funds na nakuha ko noong 2001 para sa ikakabuti ng ating coconut industry. Ito ay ginagawa natin habang nasa korte pa ang kaso ng coconut levy dahil binibigyan kong halaga ang kapakanan ng ating mga magsasaka at magnuniyog. Kaya kanina meron kayo mga inaasahang proyekto. Ako ay nagpapasalamat na kayo ay mag-iimpok kusa para magbuo ng inyong puhunan. At para sa ibang kailangan pa ninyo na pautang, gusto kong ipaalam sa inyo na itong 700 million pesos na coconut levy dividend ay minamaneho ngayon ng isang komite. Ewan ko, mahaba 'yung pangalan ng komiting 'yon eh, pero sa akin ang short ko doon 'yung CIIF committee. Tumatanggap sila nang proposal sa mga coconut farmers at kung maganda 'yung proposal na 'yon ay pinopondahan nila. Kaya 'yung mga pinahayag nung resolution kanina, sana gawin n'yong proposal at i-submit sa CIIF committee. Hindi naman siguro mahirap na mahanap ninyo ang komiteng 'yan kahit na napakahaba 'yung kanyang tunay na pangalan, hindi ko tuloy maalala. Kasi sa board ng komiteng 'yan ay may dalawang tiga-Quezon. Hanapin na lamang ninyo sila. 'Yung isa ay si Mely Jabola, marami sa inyo ang kilala siya. Iyung isa naman ay si Marivic Gutierrez, 'yung dating vice mayor... No, konsehal ng Lopez, Quezon. Naalala ninyo 'yung asawa niyang police. Noong ni-raid nang NPA 'yung Lopez dalawang namatay, 'yung chief of police at isang policeman, si Marivic asawa niya 'yung isa. Kaya parang tulong sa kanya at tulong na rin sa inyo, nilagay ko rin siya sa board ng CIIF committee. Eh si Mely ay tiga-Tayabas, kaya 'yung first and second district pwedeng pumunta kay Mely. Ayan pala si Mayor Ubana ng Quezon, 'yung kabayan ni Marivic. 'Yung mga third and fourth district puwede ninyong puntahan si Marivic o puwede ninyong puntahan si Mely kasi baka ang Bondoc peninsula ay mas malapit ang Tayabas. Kaya 'yon ang gusto kong ibigay na tip para sa inyo, dalawa ang members of the board n'yo doon sa komiting 'yon na humahawak ng 700 million pesos. Kaya kung maganda ang inyong proyekto, siguro naman makakabahagi kayo doon sa dibidendo ng coconut levy fund. Ako naman, ano ang hinihingi ko sa inyo, sana naman tulungan ninyo ako at suportahan upang ang mga programa ng ating pamahalaan ay magtagumpay. Kasi po tagumpay nitong mga programang ito, tagumpay rin ninyo. Kung tayo ay masusugpo ang kahirapan ang ganda nang kinabukasan ng ating mga anak. Magsasaka at taga-lungsod sa inyong lahat, maraming, maraming salamat. |