PGMA's Speech during the MIAA Sites Socialized Housing Project MOA Signing and Awarding of Certificates of Lot Occupancy to Beneficiaries of Presidential Proclamation No. 391

Cuneta Astrodome, Pasay City (12 Sept 2003)


Maraming salamat, kumareng Congresswoman Connie Dy sa iyong pagpakilala sa akin. At salamat dahil parati mo akong kinukulit para sa mga proklamasyon at para 'yung mga proklamasyon ay mag-graduate hanggang sa pagbibigay mismo ng dokumento sa bawat pamilya.

Maraming salamat, Mayor Pewee Trinidad sa inyong suporta sa ginagawa ng ating administrasyon. Maraming salamat din Mike Defensor, at saka GM Ed Manda, at saka GM Pamintuan. Maraming salamat, USEC. Gerochi. At sana lahat ng mga papeles doon sa DENR, Dick sa iyo na lang namin ipa-follow-up. Siyempre, salamat kay Chairman Percy Chavez na parating tinatawag ko pag may problema ng demolition. Gusto kong ipakilala si Secretary Milt Alingod na irereport n'ya itong ating pangyayari ngayon. Saan si Milt? Ayun!!! Alam mo, si Milt very low profile kaya pinapakilala ko parati. Binabati ko rin si Vice Mayor Calixto at ang buong konseho ng Pasay City. At kanina nga nabanggit 'yung aking Presidential Assistant sa housing, si Nestor Ponce na dating Congressman. Sa inyong lahat, mga tatanggap ng titulo, mga nakabiyaya ng proklamasyon pero wala pa 'yung individual na titulo, mga ipoproklama pa, ako ay nagagalak at sa wakas ay nagsimula na nating bigyang-katuparan ang matagal nang minimithi ng mga pamilyang nakatira sa lupang sakop ng NAIA. Sa mga minumudmod na papeles ngayon, mapapasainyo na ang lupang tinitirikan.

Sa may limandaang benepisyaryo -- limandaan ngayon, ano? 'Yung first step -- mula sa Balabag area, Don Carlos Village, Barrio Pilipino Putol, Maricaban 3, ngayon, meron na kayong inyu-inyong hiwa-hiwalay na Certificate of lot Occupancy. Ngayon, hindi na kayo squatter sa sariling bayan. Kaya, congratulations sa inyong lahat.

Para sa inyo, kasi unang hakbang, gaya ng sabi ni Mike Defensor, 'yung E.O. 114, 'yung proklamasyon. Ngayon, alam ninyo sa sariling lupa, sunod na hakbang naman 'yon. 'Yung kaninang binigay na MOU sa akin, 'yon naman ang sunod na hakbang. Kaya, panimula pa lamang ito at ang sunod na hakbang ay 'yon na ngang "MIAA Sites Socialized Housing Project."

Nung E.O. 144, ang tiniyak ay hindi na kayo papaalisin. Ngayon, bawat isa sa inyo nakatiyak ang nakatukoy na lupang tinitirikan. Ang kasunod, pabahay.

At lahat nito ay bahagi sa magandang trabahong ginagawa ng ating mga local political leaders gaya ni Connie at saka ni Pewee. Nang ating mga taga-ahensya ng pabahay at maralitang taga-lungsod gaya nila Mike at Percy. At sa magandang gawain din sa ating pinag-uusapan ngayon na mga opisyal ng ating mga airport hindi lamang si GM Manda. Gusto kong ipaalam at bigyang kilala na malaking tulong sa mga paperwork na ginagawa ni Ed Manda para dito ay 'yung paperwork na itinuro sa kanya ng pinaslang na si Lilia Diaz. Kaya habang nakaburol si Lilia, magdasal tayo para sa kaniya dahil malaki ang ginanap n'yang paperwork para dito sa pangyayari ngayon.

I've already instructed the PNP to do their job. Let us allow the authorities to do their part in unraveling the motives and suspects behind this heinous crime. Magdasal tayo para sa katarungan para kay Lilia Diaz.

Kahapon, dinalaw ko siya. Dinalaw ko rin ang ilan sa mga benepisyaryo ng mga gawain natin kagaya nito. Kahapon, dinalaw ko ang smokey mountain kung saan mahigit dalawang libo limangdaang condominium units ay tapos na. Hinihintay na lamang matapos ang septic tank para handa nang maokupahan ng mga mahihirap nating kababayan.

Kahapon din ginanap sa Baseco ang turnover ng semento bilang tugon ng cement manufacturers association of the Philippines sa aking panawagan sa pribadong sektor. Nagbigay sila ng sampung libong sako ng semento para sa konstruksiyon ng drainage system at septic tank.

Noon namang biyernes ng nakaraang linggo, nasa parola naman ako kung saan namahagi rin, kagaya dito 'yung ginagawa natin dito, doon ginagawa na rin 'yung partikular nito komento sa bawat tinitirikang lupa. Nagbigay ako ng sertipiko para sa katiyakan ng lupang tinitirikan ng mga taga-roon.

Hindi lingid sa aking kaalaman ang inyong mga suliranin. Hindi lang 'yung problema ng katiyakan sa tinitirikang lupa kungdi na rin 'yung pagkabahala ninyo sa baka magtaas ang presyo ng -- ay, nagtataas na nga -- ang presyo ng langis. Kaya nga dahil sa aking pakiusap, pumayag na ang mahigit apatnapung gasolinahan sa kalakhang maynila na magbigay ng diskuwento sa presyo ng krudo sa mga dyipni. At ang mga operators naman ng mga pampublikong sasakyang ay isinantabi muna ang kanilang balak na humiling ng pagtaas ng pasahe. Ito ay para sa inyo, para hindi na madadagdagan ang inyong gastos sang pasahe pag kayo ay pumapasok sa trabaho at 'yung mga anak ninyo pag pumapasok sa kanilang paaralan.

At gusto kong samantalahin itong araw na ito, itong panahong ito na gamitin ang pagkakataon upang umapela sa inyo. Nakita na naman ninyo ang ating ginagawa, proklamasyon pero hindi naiiwan sa proclamation lamang. Hanggang sa katiyakan ng lupa sa bawat pamilya, hanggang inaasahan na hindi tumataas ang presyo ng pasahe sa ating mga patakaran. Siguro naman, nakikita ninyo na mahal kayo ng inyong kasalukuyang pamahalaan. Kaya umaapela ako sa inyo, huwag kayong basta padadala sa paghihimok ng iba na mag-alsa kontra sa pamahalaan. Huwag na huwag kayong pumayag na magamit ng mga sobrang ambisyoso sa kanilang hangaring umagaw ng kapangyarihan.

Ang inyong mga pangangailangan, tulad ng pabahay na pinagsisikapan ng pamahalaan tulad ng lupa na kayod ng kayod sa paperwork dahil alam n'yo ang prinoklama nating lupa sa ating dalawang taon at kalahati ay umaabot na ng anim na daang libong pamilya ang binibigyan na ng lupang katiyakan tinitirikan kagaya ng ating mga papeles. Ngayon naman ay tatlongdaang libo na. Kaya ito ay kung maihahambing ninyo sa ibang nagawa, ito ay record high sa buong kasaysayan. Ito ang ginagawa natin sa pang-araw-araw ng ating trabaho para mabigay lalung-lalo na sa mga mahihirap ang dapat nating asikasuhin. Ito ang aking inaasikaso at hindi ang pamumulitika.

Kaya muli, ang aking taos-pusong pagbati sa inyo at ang ating mga bagong nag-graduate mula sa pagka-squatter, congratulations! At doon sa iba, habang wala pa kayong... May mga na-proclaim na wala pang titulo. May mga hindi pa napo-proclaim. 'Yon ho ay tinitiyak ko ho sa inyo, tuloy-tuloy ang ating paperwork.

Maraming salamat sa inyong lahat.

[HOME]