PGMA's Speech during the Sulong Batayang Sektor Koalisyon Program "Pagtataya ng Batayang Sektor para sa Reporma at Demokrasya"

Risen Garden, Quezon City Hall, Quezon City (21 Sept 2003)


Maraming salamat, Kalihim Dinky Soliman, ang ating namamahala sa kagawaran na tumutulong sa mga local government mag-alaga sa mga pinakakapus palad sa ating mga kapatid.

Nagpapasalamat din ako sa ating host city mayor itong hapong ito, si Mayor Sonny Belmonte. At sa lahat ng mga narito ngayon galing sa iba't-ibang bahagi ng metro manila at buong bansa, pero lalo na iyung mga taga-Quezon City, kaya ako ay nagpapasalamat kay Sonny.

Salamat din sa ating namumuno ng komisyon na nagtatalakay at nagiging tulay ng mga patakarang kailangan ng mga mahihirap sa ating bansa, si Secretary Ging Deles. At 'yung walang sawang naghahanap kung saan pa makakakuha, maging sa budget, maging sa mga dayuhang tumutulong, maging sa mga korporasyon ng gobyerno kung papano natin popondohan ang napakaraming pangangailangan para bigyan ng ginhawa ang mahihirap, si Secretary Mai Jimenez.

Gusto ko ring batiin ang ating napaka-importante at pinakikinggan at nakikinig na chairman ng urban poor, si Percy Chavez. Tingnan mo nga, tama 'yung sinabi kong napakapinakikinggan. At 'yung ating namumuno mula sa mga batayang sektor ng National Anti-Poverty Commission, si Oca Francisco.

Salamat naman sa kanyang napakakomprehensibong pahayag tungkol sa kung ano na ang nagawa natin sa maikling dalawang taon sa kapakanan ng mga mahihirap. Salamat sa iyung komprehensibong ulat, Ed Rancho, ang kinatawan ng mga maralitang taga-lungsod.

Batiin ko rin 'yung iba't-ibang mga pinili ninyong kinatawan ng iba't-bang mga batayang sektor, si Andy Bukirin ng katandaan; si Langli Segundo ng katutubo; si Richard Arsenio ng may kapansanan; si Vic Fabie ng mga magsasaka; si Milan Ramos ng mangingisda; si Noel Joson ng mga manggagawa sa pormal na sektor, at si Mary Buangbog ng mga impormal na manggagawa. At kayong lahat, iba't-ibang mga kinatawan ng mga batayang sektor, mga kaibigan:

Itong araw na ito ginugunita natin, gaya nang sabi ng mga nagsalita na, ang hindi dapat mangyari uli sa ating bansa ang deklarasyon ng batas militar sa buong Pilipinas. Marami sa inyo, marami nandito sa entablado naranasan personal ang mga kahirapan at abuso na ginawa sa kanila at sa bansa ng batas militar. Marami sa inyo ang testigo na hindi natin maitatanggi na ang paghari ng batas militar sa ating bansa ay isang masamang bangungot.

Batay sa mga survey, mga malaking porsiyento ng mamamayan ay hindi sang-ayon sa pagpataw ng martial law bilang paraan sa paglutas ng mga problema ng bansa.

Kaya binabati ko kayong mga narito upang makiisa sa pagtataya ng batayang sektor na kinikilala nating kailangan ng reporma pero kinikilala natin na ang reporma ay hindi nagawa sa panahon ng batas militar. At palagay ko dito sa dalawa at kalahating taon ng ating demokrasya mas maraming repormang nagawa kaysa sa labing-apat na taon ng batas militar.

Bagamat masasabi natin na itong mga gustong bumalik sa batas militar, itong mga gustong maglagay muli ng diktadurya o junta, mga plano ng destabilisasyon, bagamat masasabi natin na humina na, isang batayan kung bakit masasabi nating humina na, 'di ba hindi sila nakapagbuo ng kanilang kilos itong araw na ito. Ngunit meron pa rin tayong mga naririnig na balita balita tungkol sa mga grupong humihimok sa ating mga sundalo, maging sa ating mga batayang sektor na samahan silang agawin ang lehitimong kapangyarihan ng gobyerno.

Ngunit kayo narito at inuulit ninyo, gaya nang sinabi ni Ed Rancho, na ang ipaglalaban nating reporma ay sa pamamagitan ng demokrasya at hindi sa pamamagitan ng destabilisasyon para bumalik sa batas militar. Salamat sa pahayag at ulat mula sa batayang sektor.

Maging ang ating mga sundalo ay nagpahayag na ng suporta sa chain of command at sa konstitusyon. Ang mga bulong-bulong ng coup 'yon ang mga nalalabing gustong magmaliit sa ating pamahalaan, iyan ay mga mamamatay, iyang mga bulong na 'yan kapag ang mga reporma at katarungan ay tunay na umugat, at 'yon ang ating trabaho -- kayo at ako.

Totoo, kailangan natin -- kung gusto natin ang reporma, kung gusto natin ang trabaho -- kailangan nating totoo ang katiwasayan. Pero ang katiwasayan ay hindi nanggagaling sa batas militar. Nanggagaling sa reporma laban sa kahirapan at nanggagaling sa karaniwang pang araw-araw na trabaho ng mga alagad ng batas, mga sundalo, mga pulis.

Kaya ipinag-utos ko na sa liderato ng AFP na paratingin ang mensahe ng mga reporma hanggang sa pinakamababang ranggo upang ang bawat sundalo ay tumibay ang pananalig, ang kanilang organisasyon. Tapos na ang Oakwood kalimutan na natin ito.

Ang ganitong damdamin ng mamamayan ay dalawang beses nang napatunayan sa nakalipas na panahon -- sa EDSA People Power revolution noong 1986 at sa EDSA Dos noong 2001. 'Di ba magkasama tayo sa EDSA Dos noong 2001 kayong narito. At 'yung mga medyo may edad na ngayon nandoon din sila sa EDSA 1 nung 1986. Hindi ko naman masasabing may edad na sila Dinky at saka sila Ging pero batang-bata pa sila noon. Oo.

Sa harap ng maraming hamon sa ating katatagan, panatiliin sana nating buhay ang diwa ng edsa para matabunan ang diwa ng Setyembre 21. At itaguyod ang pangingibabaw ng awtoridad ng sibilyan sa ating bansa.

Hinihingi ng kasalukuyang panahon na tayo ay magpamalas ng pagka-makabayan at manindigan para sa demokrasya at pagbabago.

Ituloy natin ang ating pagkakaisa upang manatili ang demokrasya at magtagumpay ang reporma sa ating bansa hindi lamang para sa atin kung hindi para sa kinabukasan ng ating mga anak at mga susunod pang henerasyon.

Alam n'yo, ang daming gustong magsabi na walang nagagawa. Eh 'yung sinabi ni Ed Rancho iyung napakaimportanteng nagawa tungkol sa coco levy, tungkol sa nakaw na yaman ng diktadurya, 'yung tinatawag na Marcos wealth at marami
Pang ibang mga nagawa tungkol sa pagbibigay o pamamahagi ng lupang pwedeng bilhin ng maralitang taga-lungsod. Marami pa siyang ibang sinabi hindi ko na iuulit napaka-komprehensibo ang sinabi niya. Ang sabi ko dapat yan ay ipahayag natin sa iba't-ibang mga batayang sektor.

Ngunit hindi lamang si Ed Rancho ang nagsasabi noon maging ibang nagsusubaybay sa ating bansa. Alam n'yo, sinabi sa akin sa isang sulat ni Maria Ressa sa akin ng CNN, hindi tumagal sabi niya, pag pinapanood niya ang mga pahayag galing sa Pilipinas, parang gustong-gusto nating magsiraan sa isat-isa. Parang gustong-gusto ng ilang mga pilipino na bumagsak ang ating bansa. Pero kung titignan naman n'yo iyung report galing sa ibang lugar, report doon sa tinatawag na 'The Economist,' sinasabi ang pilipinas ay kasama sa mga bansa na matatag dito sa kahirapan ng mundo, dito sa lumalagong... Isa sa mga ekonomiyang lumalago sa buong mundo.

Merong nagbibintang sa ating katiwalian sa ating gobyerno pero marami nga tayong ginagawang repormang ipinatutupad upang sugpuin ang katiwalian sa pamahalaan na mapapatindi ang paghihirap ng mga mamamayan -- itong mga katiwalian.

Sabi nila mahina raw tayo sa kapayapaan. Eh banggit nga ni Ed Rancho 'yung mga peace talks natin -- we want peace, we want reconciliation with justice. Kaya ipinaglaban ng ating mga abogado ng pamahalaan ang katarungan sa Korte Suprema, sa Sandigan, at 'yon ay nakakamit ng ating mamamayan.

Iyung trabaho ng kapayapaan hindi 'yon dinadaan sa martial law. Dinadaan sa trabaho ng pulis. Halimbawa, ang ating pulis napabagsak na ang maraming mga malalaking sindikato sa kidnapping, sa droga.

Kaya kaya ng mga demokratikong institusyon ang kapayapaan basta tayo ay magsama-sama. At kayo naman mga kasama ko na rin, dalawang taon at kalahati, salamat ipagpatuloy natin ating samahan para sa ganun talagang hindi na, hindi na babalik ang mga gustong magdala muli ng bangungot ng batas militar.

Maraming salamat sa inyong lahat.

[HOME]