PGMA's Speech during the Independence Day Celebration

Quirino Grandstand (12 June 2004)


BINABATI ko kayong lahat sa pagdiriwang natin ng isandaan at anim na taon ng kalayaan sasangandaan ng pagbabago.

Ang halalan ay naganap isangbuwan na ang nakaraan.

Nitong mga nakaraang linggo ay taimtim akong dumadalangin na nawa’y pagkalooban ng liwanag ng Diyos hindi lamang ako kundi maging ang taumbayan at ating mga lider.

Patuloy pa rin akong dumadalangin para sa pagkakaisa at pagsasamahan.

At para sa hinihingi ng ating panahon – isang mabilis na bilangan, isang makabatas na kapasiyahan.

Lahat tayo ay naghahangad ang nakaraang halalan ay magdadala sa atin sa kapayapaan at katatagan.

Huwag nating payagan na ang bilangan ay magsilbing pagkakataon upang maantala, hadlangan o ilihis ang demokratikong proseso mula sa tamang landas.

Tayo pa naman ang kinikilalang hiyas ng kasarinlan at demokrasya sa Asya. Subalit ang labis-labis nating pamumulitika at hidwaan ay unti-unting inaagnas ang tibay ng ating bansa.

Tayo ay isang dakilang lahi na may marangal na kasaysayan.

Marami tayong mga pagsubok na nalampasan bilang isang lahi, bilang isang bansa.

Ngayon tayo ay muling nahaharap na lumikha ng kasaysayan at tahakin ang isang naiibang landas.

Dapat nating ipagmalaki ang landas na ating pinagdaanan.

Ngayon, muli tayong nakahanda para sa tagumpay, buong pagmamalaking nakatayo sa sariling mga paa, kasali na naman sa paligsahan, patungo sa isang magandang kinabukasan.

Ang paglago ng ekonomiya ay mataas, ang inflation ay mababa, ang koleksiyon ng buwis ay lumalaki, ang agrikultura ay masagana.

Nakamit natin ang lahat ng ito sa pamamagitan ng disiplina sa pananalapi at matapat na pamamahala – sa kabila ng kawalangkatiyakang umiiral sa mundo.

Ang eleksiyon ay nagbigay sa atin ng pagkakataong ilagay ang bansa para matatag na tahakin ang tamang landas tungo sa pagkakaisa ng sambayanan, pag-ahon sa kahirapan, paghilom ng ating mga hidwaan sa lipunan at relihiyon, at pag-unlad ng ekonomiya.

Sinimulan na natin ang bagong paglalakbay na ito nang ibinalik natin ang demokrasya sa mga tao sa pamamagitan ng kapang-yarihan ng balota at hindi ng lansangan.

Dahil sa mapayapa at kapani-paniwalang halalan, napalakas natin ang dangal ng ating demokrasya at dignidad sa bawat mamamayang bumoto.

Sa ngalan ng ating sambayanan, pinasasalamatan ko ang libu-libong boluntaryo sa bawat probinsiya at bawat barangay ng ating bansa na nagtrabaho nang husto upang tiyakin ang malinis, tunay, tapat, at malayang eleksiyon.

Ipinaa-abot ko rin ang aking pasasalamat sa 125 foreign observers na nakibahagi sa ating demokratikong proseso; kinilala nila na ang ating eleksiyon ay malinis at matapat sa pangkahalatan bilang huwaran ng isang buhay na demokrasya.

Buo ang aking tiwala sa ating mga kababayan na gumawa ng tamang desisyon.

Bagamat may ilang walang konsensiyang pulitikong hindi titigil hanggat hindi nila naipapanalo ang eleksiyon kahit sa anumang paraan.

Tunay na nakatayo tayo ngayon sa sangandaan ng kasaysayan.

Mahigit sandaang taon na ang ating mga ninuno ay nakipaglaban upang itayo ang isang bansa na nagpupunyaging makawala sa pananakop ng dayuhan.

Ngayon, nahaharap tayo sa isang bagong siglo na nagsisikap pagsamahin ang lahat ng ating lakas sa isang bagong kalakaran ng mundo.

Ang kolonyalismo ay isa na lamang alaala ng panahong lumipas. Ang cold war ay wala nang katuturan. Tayong lahat ay bahagi ng sangkatauhang walang hangganan na naghahangad ng kapayapaan para sa lahat.

Ganyan din ang ating bansa.

Kung ating titingnan sa malaking larawan ng mabilis na nagbabagong daigdig, ang paligsahan sa panguluhan na nagaganap sa bulwagan ng ating kongreso ay isang napakaliit na imahe lamang sa pangkahalatang anyo ng mga bagay-bagay.

Sa tuwing makikinig ako sa karaniwang Pilipino, nakakakuha ako ng inspirasyon mula sa kanilang pangarap at pagasa. Palagi kong sinasabi sa kanila, ang eleksiyon ito ay para sa inyo, at hindi sa akin.

Ito ay tungkol sa paglaban sa pagbabago at pagpapabuti ng ating ekonomiya, ng ating bansa at ng ating katayuan sa buhay.

Ang mga mamamayan ang puso at diwa ng ating bansa. Hindi natin sila dapat biguin.

Maraming salamat sa inyong pagdalo upang makipagdiwang sa atin. Maraming salamat sa inyong suporta.

Mabuhay ang Pilipinas!

[HOME]