President Gloria Macapagal-Arroyo's New Year's Message (Tagalog)

The Mansion House, Baguio City - 29 Dec 2006


Happy New Year sa inyong lahat!

Gusto kong magbigay ng espesyal na pagbati sa ating mga nagtratrabaho sa pamahalaan.

Binuksan natin ang taong 2006 sa dagdag-bayad para sa mga kawani ng pamahalaan, at pagwakas ng taon, may pag-asa na naman ng bagong umento. Pagbalik ng Kongreso mula sa bakasyon, magpapadala ako ng panukalang batas upang itaas ng mga sampung porsiyento ang sahod ng mga empleyado ng gobyerno mula Hulyo.

Itatakda ng panukalang batas kung paano gagamitin ang mahigit sampung bilyong pisong natipid natin. Ito ang unang bahagi ng reporma sa sweldo ayon sa husay ng trabaho at kakayahan ng mga kawani. Hinihiling ko sa Kongreso na ipasa itong panukala bilang katapusang gawain sa kanilang kapuri-puring pagbabalangkas ng mga laye.

At pagbukas ng bagong Kongreso sa Hulyo, haharap ako sa ating mga kongresista upang ipakiusap ang mabilis na pagsasabatas ng pangatlong yugto ng salary standardization. Ilalapit nito sa pribadong sektor ang mga sahod ng karaniwang kawani ng pamahalaan at itataas ang dami at galing ng trabaho nila.

Isasalang ng kalihim ng budget sa Kongreso ang mga panukalang batas, at kasama sa umento ang mga kawal, pulis at iba pang sandatahang pangkat.

Nagsasanib sa panukalang ito ang mithiin ng mga kawani, ang magagaling na patakaran sa pamamahala, ang mga panuntunan ng mahusay na trabaho, at ang inaasahang kita ng pamahalaan. Sa lahat ng ito, laging isinasa-isip ang kapakanan ng taumbayan.

Nang simulan natin ang paghahangad isa-ayos ang kaban ng bayan, hiniling natin sa mga kawani ng pamahalaan na makiisa sa mabigat na pasanin ng sambayanan. Ngayong malapit na nating matamo ang ating layunin, panahon na upang makuha ng mga manggagawang nasa gobyerno ang kanilang parte sa mga biyaya ng mga reporma sa ekonomiya.

Muli, Happy New Year sa ating government workers at ang taong-bayan na pinaglilingkuran nila.

Maraming salamat sa inyong lahat.

[HOME]