OPSwebsite2007ban-spch-V3.jpg (38455 bytes)


PGMA's Speech during the Handog ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo Para sa Economically-Displaced Overseas Filipino Workers

Rizal Hall, Malacañang

05 December 2008

Maraming salamat, Secretary Nitoy Roque sa iyong pagpakilala.

Ating mga iba’t-ibang opisyal  ng pamahalaan na tumutulong sa ating mga bumabalik na expatriate Filipino workers; ating mga manggagawang bumabalik.

Ang pagtulong ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa na nangangailangan ng suporta ng pamahalaan ay patakarang di lalabagin ng ating pamahalaan. Kahit kailan, ‘di tayo tumatalikod na gawin ang lahat ng makakaya upang matulungan ang expatriate Filipino workers na dumaranas ng hirap.

Sa ngayong mga sumusubok na panahong para sa expatriate Filipino worker, hindi dapat nagpapabaya ang pamahalaan. Dapat suklian ang ating expatriate Filipino workers sa kabayanihang ipinapakita nila. Moral na tungkulin ng pamahalaan at inisyatiba ng patakaran ang mabilisang pagtugon sa agarang pangangailangan nila.

Sa ngayon, it is only a trickle of our overseas Filipino workers or expatriate Filipino workers that have lost their jobs because of  the world financial crisis. In fact some of this have already found new jobs. We have 200 Filipino workers on shipping companies coming back but they have left again or are leaving again because they have found new employment

Nakikipagtulong tayo ngayon sa ilan, 100 plus, na nawalaan ng trabaho doon sa Taiwan upang mabigyan ng mga sumusunod na tulong. Nandito ang ating presidente ng PhilHealth dahil binibigyan sila ng PhilHealth card para sa  medical insurance. Nandito ang vice president ng SSS dahil nagbibigay rin tayo ng SSS cards. At nandito ang ating chairman and director general ng TESDA, si Buboy Syjuco, na malaking-malaki ang approval rating, second to the highest, only a few points behind the highest sa TESDA. Congratulations, Buboy! At ang kanyang dala, na nandoon sa baskets ninyo, ay scholarship mula sa TESDA upang magkamit kayo ng  bagong kasanayan at mahahasa ang inyong kagalingan, at nang maaari kayong makipagsabayan saan man sa mundo.

Ngayon yung mga tseke na binigay natin ay tseke para lang bayaran yung mga materials ng TRC -- nandito naman yung ating head ng TRC na magbibigay ng ensayo  sa inyo. Hindi pa ito yung livelihood, iba pa ang livelihood check, at yun naman pagkatapos ay ia-assess kung ano ang balak niyong gawin para ganun matulungan kayo sa inyong bagong livelihood. At yung tsekeng yun, yung susunod na tseke, yun ang magagamit sa pagsimula ng mga gustong magnegosyo sa ilalim ng ating Emergency Livelihood Program.

Ang mga ito ay nagsisilbing programa na nagbibigay ng panandaliang tulong sa mga expatriate  Filipino workers na nawalan ng trabaho. Napakahalaga ng nai-ambag ninyo sa ating bansa, kaya’t nararapat lang na maibigay sa inyo ang buo at walang alinlanang suporta ng pamahalaan. Habang isinasagawa natin ang mabilisang pagresponde sa inyong agarang pangangailangan, nagtatrabaho tayo sa mga  patakarang mas malaki at may mas malawak na sinasakupan upang tulungan ang ating mga bagong bayani.

Mag-iiral tayo ng buong programang pagtanaw ng utang na loob sa expatriate Filipino workers para tulungan yung mga napipilitang umuwi dahil ang mga bansa kung saan nagtatrabaho ay kasalukuyang hinahagupit sa krisis sa ekonomiya na ang tindi at sakop ay hindi pa maarok. 

Ang Department of Labor and Employment at ang OWWA ang mangunguna sa pagpapatupad nitong payback program ng gobyerno para sa mga expatriate Filipino workers. Ang unang bahagi nitong programang pagsusukli ay ang pagtatag ng Filipino Expatriate Livelihood Support Fund sa halagang  250 million pesos mula sa OWWA at kung kailangan suportado ng mga ahensiya ng gobyerno na magpapahiram ng pera. Ang mga expatriate Filipino workers na nawalan ng trabaho ay makakakuha sa pondong ito -- pautang  para tumulong sa pagsisimula ng negosyo, pagpapatuloy ng pag-aaral o pagkamit ng kasanayan, o sa panimulang kapital sa anumang gawaing pangkabuhayan.

Dapat gawin agad ng DOLE ang Implementing Guidelines.

Kailangan simple lang ang mga alituntuning dapat upang makapangutang kaagad. Ang mga nagbabalik na expatriate workers ay hindi dapat mapapasa-ilalim sa mga masalimuot at walang katuturang regulasyon or red tape. 

Inatasan ko ang DOLE at OWWA na makipag-ugnayan sa mga ahensya ng pamahalaan, kaya nga nakipag-ugnayan sa TRC para sa ekonomiya at pamumuhunan upang matukoy ang mga negosyo maaaring pasukin ng mga nagbabalik na expatriates.

Ang ikalawang bahagi nitong reciprocity program ay ang suporta ng pamahalaan, na ibibigay ng buong-buo, upang tulungan ang mga nagbabalik na manggagawang Pilipino sa paghahanap ng mga trabahong kumikita ng maganda. Dalawang patakaran ang nakapaloob sa bahaging ito:

Una, ang paglikha ng mga trabaho dito sa ating bansa na makakapagbigay  ng magandang kita. Meron ilan sa inyo sabi niyo naghahanap kayo ng trabaho dito.

Pangalawa, ang puspusang paghahanap ng mga bagong merkado sa ibang bansa para sa ating manggagawa, pati na ang mga nagtatrabaho sa mga barko.

At kanina masayang ni-report ni Secretary Nitoy Roque sa akin, 100 plus ang nawalaan ng trabaho doon sa... itong pabrika sa Taiwan, pero sabi ni Nitoy Roque, may 1,000 jobs available sa hotel and restaurant industry ng Bulgaria, kaya kaagad four times ang jobs available sa nawalaan ninyo.

So, upang makakuha ang mga serbisyong ito, inaatasan ko ang DOLE at OWWA na maglagay ng mga opisina sa lahat ng probinsiya o desk, na magbabagay ng trabaho sa kagalingan, kakayahan at experience ng nagbabalik na manggagawa. Dapat din magkaroon ng palagiang online information tungkol sa mga bakanteng trabaho, at dapat libre itong information sa mga nagbabalik na expatriates.

At para sa ating bumabalik na expatriate Filipino workers na gustong lumipat ng ibang mga bansa kung saan kailangan ang inyong kaalaman at kagalingan, inaatasan ko -- bukod pa dito sa Bulgaria na 1,000 jobs available kaagad sa hotel and restaurant industry -- inatasan ko, gumawa ako ng Administrative Order na ang Philippine Overseas Employment Administration ay dapat magtupad ng isang marketing blitz upang lumawak ang merkado para sa Filipino expatriates. 

So again, the government, even if it’s only a trickle of our workforce that’s coming back, the government will not sit idly and do nothing for our modern-day heroes in this time of great economic uncertainty.

Hindi pababayaan ng pamahalaan ang ating mga bagong bayani sa panahong ito na walang  katiyakan sa ekonomiya.

We assure you of full and unequivocal support.

Sa inyong lahat, ating returning expatriate Filipino workers, Goodluck sa inyong bagong hakbang ng inyong career path!

Maraming salamat sa inyong lahat.

[HOME]